17
Ngayon tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo para sa labanan. Nagtipon sila sa Soco, na nabibilang sa Juda. Nagkampo sila sa pagitan ng Soco at Azeka, sa Epesdammim. Nagtipon at nagkampo si Saul at ang kalalakihan ng Israel sa lambak ng Ela, at nagsihanay upang makipaglaban sa mga Filisteo. Nakatayo ang mga Filisteo sa isang bundok sa kabilang dako at nakatayo naman ang mga Israelita sa isang bundok sa kabilang dako na may isang lambak ang nakapagitan sa kanila. Isang malakas na tao ang lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo, isang taong nagngangalang Goliat na mula sa Gat, na ang tangkad ay anim na kubit at isang dangkal. Mayroon siyang isang salakot na tanso sa kanyang ulo, at nasusuutan siya ng isang baluti sa katawan. Tumitimbang ang baluti ng limang libong siklong tanso. Mayroon siyang tansong baluti sa kanyang mga binti at isang sibat na tanso sa pagitan ng kanyang mga balikat. At ang hawakan ng kanyang sibat ay malaki, na may isang silong panghabi para sa paghahagis nito gaya ng tali sa isang panghabi ng manghahabi. Tumitimbang ang ulo ng kanyang sibat ng anim na raang siklong bakal. Ang kanyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kanya. Tumayo siya at sumigaw sa mga hukbo ng Israel, “Bakit kayo lumabas para humanay sa pakikipaglaban? Hindi ba ako isang Filisteo, at hindi ba kayo mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki para sa inyong sarili at hayaan siyang bumaba rito sa akin. Kung kaya niya akong labanan at mapatay ako, sa gayon magiging mga alipin ninyo kami. Ngunit kung matalo at mapatay ko siya, sa gayon magiging mga lingkod namin kayo at maglingkod sa amin.” 10 Muling sinabi ng Filisteo, “Hinahamon ko ang mga hukbo ng Israel ngayon. Bigyan ninyo ako ng isang tao para makapaglaban kami.” 11 Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang sinabi ng Filisteo, pinanghinaan sila ng loob at labis na natakot. 12 Ngayon si David ay anak ng Efrateo ng Betlehem sa Juda, na nagngangalang Jesse. Mayroong siyang walong anak na lalaki. Isang matandang lalaki si Jesse sa panahon ni Saul, higit sa gulang sa mga kalalakihan. 13 Sumunod ang tatlong anak ni Jesse kay Saul sa pakikipaglaban. Ang pangalan ng tatlong anak niyang lalaki na sumama sa labanan ay sina Eliab ang panganay, pangalawa sa kanya si Abinadab, at ang pangatlo ay si Shamma. 14 Si David ang bunso. Sumunod kay Saul ang tatlong pinakamatanda. 15 Ngayon nagpapabalik-balik si David sa pagitan ng hukbo ni Saul at ng mga tupa ng kanyang ama sa Betlehem, upang pakainin ang mga ito. 16 Lumalapit sa umaga at gabi ang malakas na taong Filisteo sa loob ng apatnapung araw upang iharap ang kanyang sarili sa labanan. 17 Pagkatapos sinabi ni Jesse sa kanyang anak na si David, “Dalahan mo ang iyong mga kapatid ng epa ng butil na sinangag at itong sampung tinapay at dalhin agad ang mga ito sa kampo para sa iyong mga kapatid mo. 18 Dalahin mo din ang sampung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo. Tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid na lalaki at magdala ka pabalik ng ilang patunay na mabuti ang kanilang kalagayan. 19 Kasama ni Saul ang iyong mga kapatid at lahat ng kalalakihan ng Israel sa lambak ng Ela, na nakikipaglaban sa mga Filisteo.” 20 Bumangon si David ng maaga kinaumagahan at iniwan ang kawan ng tupa sa pangangalaga ng isang pastol. Kinuha niya ang mga gamit at umalis, gaya ng iniutos ni Jesse sa kanya. Pumunta siya sa kampo habang lumalabas ang hukbo sa larangan ng digmaan na isinisigaw ang sigaw pandigma. 21 At nagsihanay ang Israel at mga Filisteo para sa labanan, hukbo laban sa hukbo. 22 Iniwan ni David ang kanyang mga dala sa tagapag-ingat ng mga gamit, tumakbo sa mga hukbo, at binati ang kanyang mga kapatid. 23 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, lumabas mula sa hukbo ng Filisteo ang isang malakas na tao, ang taga-Filisteo ng Gat, na Goliat ang pangalan, at sinabi ang ganoon ding mga salita. 24 At narinig ni David ang mga ito. Nang makita ng lahat ng kalalakihan ng Israel ang lalaki, tumakas sila mula sa kanya at takot na takot sila. 25 Sinabi ng mga kalalakihan ng Israel, “Nakita ba ninyo ang taong dumating dito? Naparito siya upang hamunin ang Israel. At bibigyan ng hari ng maraming kayamanan ang taong makakapatay sa kanya, ibibigay sa kanya ang kanyang anak na babae para mapangasawa, at hindi na pababayarin ang sambahayan ng kanyang ama mula sa pagpapabuwis sa Israel.” 26 Sinabi ni David sa mga kalalakihang nakatayo sa tabi niya, “Ano ang gagawin sa taong makakapatay sa Filisteong ito at mag-aalis ng kahihiyan mula sa Israel? Sino ang hindi tuling Filisteo ito na humahamon sa mga hukbo ng buhay na Diyos?” 27 Pagkatapos inulit ng mga tao kung ano ang kanilang sinasabi at sinabihan siya, “Ganito ang gagawin sa taong makakapatay sa kanya.” 28 Narinig ng kanyang pinakamatandang kapatid na si Eliab nang nakipag-usap siya sa mga kalalakihan. Nag-alab ang galit ni Eliab laban kay David, at sinabi niya, “Bakit ka pumunta dito? Kanino mo iniwan ang ilang tupa na nasa desyerto? Alam ko ang iyong pagmamataas, at ang katusuhan sa iyong puso; dahil pumunta ka dito upang makita mo ang labanan.” 29 Sinabi ni David, “Ano ang nagawa ko ngayon? Hindi ba isang tanong lang iyon?” 30 Tumalikod siya sa kanya tungo sa iba, at nagsalita sa ganoon ding paraan. Sumagot ang mga tao ng parehong bagay gaya ng kanina. 31 Nang marinig ang mga salitang sinabi ni David, inulit ng mga sundalo ang mga ito kay Saul, at ipinatawag niya si David. 32 Pagkatapos sinabi ni David kay Saul, “Hayaang walang puso ang mabigo dahil sa Filisteong iyon; pupunta ang iyong lingkod at makikipaglaban sa Filisteong ito.” 33 Sinabi ni Saul kay David, “Hindi mo kayang pumunta sa Filisteong iyon para makipaglaban sa kanya; sapagkat isang kabataan ka lamang, at isa siyang taong mandirigma mula sa kanyang kabataan.” 34 Pero sinabi ni David kay Saul, “Isang tagapangalaga ng tupa ng kanyang ama ang iyong lingkod. Kapag dumating ang isang leon o oso at kinuha ang isang kordero sa kawan, 35 hinahabol ko ito at sinasalakay ito, at inililigtas ito mula sa kanyang bibig. At kapag lumaban ito sa akin, hinuhuli ko ito sa kanyang balbas, hinahampas at pinapatay ito. 36 Parehong pinatay ng iyong lingkod ang isang leon at isang oso. Ang hindi tuling Filisteong ito ay magiging tulad ng isa sa kanila, yamang hinahamon niya ang mga hukbo ng buhay na Diyos.” 37 Sinabi ni David, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa pangalmot ng leon at mula sa pangalmot ng oso. Ililigtas niya ako mula sa kamay ng Filisteong ito.” Pagkatapos sinabi ni Saul kay David, “Humayo ka, at sumaiyo nawa si Yahweh.” 38 Dinamitan ni Saul si David ng kanyang baluti. Inilagay niya ang isang turbanteng tanso sa kanyang ulo, at dinamitan niya siya ng isang baluti sa katawan. 39 Ibinigkis ni David ang kanyang espada sa kanyang baluti. Pero hindi na siya makalakad, dahil hindi siya nasanay sa mga ito. Pagkatapos sinabi ni David kay Saul, “Hindi ako makakalaban gamit ang mga ito, sapagka't hindi ako nasanay sa mga ito.” Kaya hinubad ni David ang mga ito. 40 Kinuha niya ang kanyang tungkod at pumili ng limang makinis na bato mula sa batis; inilagay niya ang mga ito sa kanyang supot pangpastol. Nasa kanyang kamay ang kanyang tirador habang lumalapit siya sa Filisteo. 41 Dumating ang Palestina at lumapit kay David, kasama ang tagadala ng kanyang kalasag sa kanyang harapan. 42 Nang tumingin sa palibot ang Palestina at nakita si David, kinamuhian niya siya, sapagka't isa lamang siyang bata, at malusog na may isang magandang anyo. 43 Pagkatapos sinabi ng Palestina kay David, “Isa ba akong aso, na pumarito kang may dalang tungkod?” At isinumpa ng Palestina si David sa pamamagitan ng kanyang mga diyos. 44 Sinabi ng Filisteo kay David, “Lumapit ka sa akin, at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon sa kalangitan at sa mga mababanigs na hayop ng parang.” 45 Sumagot si David sa Filisteo, “Pumarito ka sa akin na may isang espada, isang sibat, at isang mahabang sibat. Ngunit pumarito ako sa iyo sa pangalan ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong kinamumuhian. 46 Ngayon, bibigyan ako ni Yahweh ng tagumpay laban sa iyo, at papatayin kita at aalisin ang iyong ulo mula sa iyong katawan. Ngayon ibibigay ko ang mga patay na katawan ng hukbong Filisteo sa mga ibon ng kalangitan at sa mababangis na mga hayop ng mundo, upang malaman ng lahat ng mundo na may Diyos ang Israel, 47 at upang malaman ng lahat ng nagtitipong ito na hindi nagbibigay ng tagumpay si Yahweh gamit ang espada o sibat. Sapagka't ang pakikipaglaban ay kay Yahweh, at ibibigay niya kayo sa aming mga kamay.” 48 Nang tumayo ang Filisteo at lumapit kay David, sa gayon tumakbo ng mabilis si David patungo sa hukbo ng mga kaaway upang salubungin siya. 49 Isinuot ni David ang kanyang kamay sa kanyang supot, kumuha ng isang bato mula rito, tinirador ito, at tinamaan ang Filisteo sa kanyang noo. Bumaon ang bato sa noo ng Filisteo, at sumubsob ang kanyang mukha sa lupa. 50 Tinalo ni David ang ang Palestina gamit ang isang tirador at isang bato. Tinamaan niya ang ang Palestina at pinatay siya. Walang espada sa kamay ni David. 51 Pagkatapos tumakbo si David at tumayo sa ibabaw ng Palestina at kinuha ang kanyang espada, binunot sa lagayan ng kaniyang espada, pinatay siya, at pinugot ang kanyang ulo gamit ito. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang malakas na lalaki, tumakas sila. 52 Pagkatapos sumigaw ang mga kalalakihan ng Israel at Juda, at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa lambak at mga tarangkahan ng Ekron. Nakahandusay ang mga patay na Filisteo sa daan patungong Shaaraim, hanggang sa Gat at sa Ekron. 53 Bumalik ang mga tao ng Israel mula sa pagtugis sa mga Filisteo, at ninakawan ang kanila kampo. 54 Kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala ito sa Jerusalem, ngunit nilagay niya ang kanyang baluti sa kanyang tolda. 55 Nang makita ni Saul si David na lumabas laban sa mga Filisteo, sinabi niya kay Abner, ang kapitan ng hukbo, “Abner, kaninong anak ang binatang ito?” Tumugon si Abner, “Habang nabubuhay ka, hari, hindi ko alam.” 56 Sinabi ng hari, “Tanungin ninyo kung sino ang maaaring nakakaalam, kung kaninong anak ang binata.” 57 Nang makabalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, pinuntahan siya ni Abner at dinala sa harapan ni Saul na dala ang ulo ng Palestina sa kanyang kamay. 58 Sinabi ni Saul sa kanya, “Kaninong anak ka, binata?” At sumagot si David, “Anak ako ng iyong lingkod na si Jesse na taga-Bethlehem.”