5
Kaya natapos ang lahat ng gawain na ginawa ni Solomon para sa tahanan ni Yahweh. Dinala ni Solomon ang mga bagay na inialay ni David na kaniyang ama, kabilang ang pilak, ang ginto, at ang lahat ng mga kasangkapan, at inilagay ang mga ito sa mga silid-imbakan ng tahanan ng Diyos. Pagkatapos, tinipon ni Solomon sa Jerusalem ang mga nakatatanda ng Israel, ang lahat ng mga pinuno ng mga lipi, at ang mga pinuno ng mga angkan ng mga tao sa Israel, upang kunin ang kaban ng tipan ni Yahweh mula sa lungsod ni David, ang Zion. Lahat ng kalalakihan ng Israel ay nagtipun-tipon sa harapan ng hari sa pagdiriwang, na ginaganap sa ikapitong buwan. Dumating ang lahat ng mga nakatatanda ng Israel, at binuhat ng mga Levita ang kaban. Dinala nila ang kaban, ang toldang tipanan at ang lahat ng banal na kasangkapan na nasa loob ng tolda. Dinala ng mga pari na kabilang sa tribu ni Levi ang mga bagay na ito. Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel ay nagtipon sa harapan ng kaban, na nag-aalay ng mga tupa at mga baka na hindi mabilang. Dinala ng mga pari ang kaban ng tipan ni Yahweh sa lagayan nito, sa loobang silid ng tahanan, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa kinaroroonan ng kaban, at tinakpan ng mga ito ang kaban at ang mga pasanan nito. Ang mga pasanan ay napakahaba at ang mga dulo nito ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng silid na nasa loob, ngunit hindi nila ito nakikita mula sa labas. Naroon pa rin ang mga ito hanggang sa araw na ito. 10 Walang laman ang kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay roon ni Moises sa Horeb noong si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa mga tao ng Israel nang makalabas sila sa Ehipto. 11 Nangyari na ang mga pari ay lumabas mula sa dakong banal. Inilaan ng lahat ng mga paring naroon ang kanilang mga sarili kay Yahweh; pinangkat sila ayon sa kanilang pagkakabaha-bahagi. 12 Maging ang mga Levitang mga mang-aawit, lahat sila, kabilang sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang lalaking anak at ang kanilang mga kapatid na lalaki ay nakadamit ng pinong lino at tumutugtog ng mga pompiyang, mga alpa, at mga lira, na nakatayo sa silangang dulo ng altar. Kasama nila ang 120 pari na umiihip ng mga trumpeta. 13 Nangyari na ang mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang gumawa ng musika, tumutugtog nang iisang tunog na maririnig para sa pagpupuri at pagpapasalamat kay Yahweh. Nilakasan nila ang kanilang mga tinig kasama ng mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang mga instrumento, at pinuri nila si Yahweh. Umawit sila, “Sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang katapatan sa kaniyang kasunduan ay nananatili magpakailanman.” At ang tahanan, na tahanan ni Yahweh ay napuno ng ulap. 14 Ang mga pari ay hindi makatayo sa loob upang maglingkod dahil sa ulap, sapagkat pinuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang kaniyang tahanan.