24
1 Pitong taong gulang si Joas nang magsimulang maghari; naghari siya ng apatnapung taon sa Jerusalem. Sibias ang pangalan ng kaniyang ina na taga-Beer-seba. 2 Ginawa ni Joas kung ano ang matuwid sa mata ni Yahweh sa lahat ng araw ni Joiada na pari. 3 Ikinuha siya ni Joiada ng dalawang asawa at naging ama siya ng mga anak na lalaki at mga babae. 4 At nangyari pagkatapos nito, na si Joas ay nagpasya na muling itayo ang tahanan ni Yahweh. 5 Tinipon niya ang mga pari at mga Levita at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo taun-taon sa mga lungsod ng Juda at kolektahin ang pera mula sa lahat ng Israelita upang isaayos ang tahanan ng inyong Diyos. Tiyakin ninyo na masimulan ninyo kaagad.” Noong una, walang ginawa ang mga Levita. 6 Kaya ipinatawag ng hari si Joiada, ang pinakapunong pari, at sinabi sa kaniya, “Bakit hindi mo inatasan ang mga Levita na kunin mula sa Juda at Jerusalem ang buwis na ipinataw ni Moises, ang lingkod ni Yahweh, at ng kapulungan ng Israel, para sa tolda ng tipanan?” 7 Sapagkat giniba ng mga anak ni Atalia, na masamang babae, ang tahanan ng Diyos at ibinigay sa mga Baal ang lahat ng kagamitan na inilaan sa tahanan ni Yahweh. 8 Kaya nag-utos ang hari, at gumawa sila ng isang kaban at inilagay ito sa labas sa may pasukan sa tahanan ni Yahweh. 9 At gumawa sila ng proklamasyon sa buong Juda at Jerusalem, para sa mga tao upang dalhin kay Yahweh ang buwis na ipinataw ni Moises na lingkod ng Diyos sa Israel sa ilang. 10 Nagalak ang lahat ng pinuno at lahat ng tao at dinala ang pera at inilagay sa kaban, hanggang sa napuno nila ito. 11 At nangyari na sa tuwing dinadala ng mga Levita ang kaban sa mga opisyal ng hari, at sa tuwing nakikita nila na maaraming perang nasa loob nito, darating ang mga eskriba ng hari at ang opisyal ng pinakapunong hari, aalisin nila ang laman ng kaban at dadalhin nila at ibabalik sa kinalalagyan nito. Ginagawa nila ito araw-araw, at nakakalikom sila ng malaking halaga ng pera. 12 Ibinigay ng hari at ni Joiada ang pera sa mga gumawa ng gawaing paglilingkod sa tahanan ni Yahweh. Umupa ang mga lalaking ito ng mga kantero at mga karpintero upang ibalik sa dating kalagayan ang tahanan ni Yahweh, at maging ang mga gumagawa gamit ang bakal at tanso. 13 Kaya nagtrabaho ang mga manggagawa, at umusad ang gawaing pag-aayos sa pamamagitan ng kanilang mga kamay; itinayo nila ang tahanan ng Diyos sa dati nitong disenyo at pinatibay ito. 14 Nang kanilang matapos, dinala nila ang natirang pera sa hari at kay Joiada. Ang perang ito ay ginamit sa paggawa ng muwebles para sa bahay ni Yahweh, mga kasangkapan sa paglilingkod at paghahandog, mga sandok at mga kasangkapang ginto at pilak. Patuloy silang nag-alay ng mga handog na susunugin sa tahanan ni Yahweh sa lahat ng mga araw ni Joiada. 15 Tumanda si Joiada at napuspos ng mga araw, at siya ay namatay. Siya ay 130 taong gulang nang siya mamatay. 16 Siya ay inilibing nila sa lungsod ni David kasama ng mga hari, dahil mabuti ang ginawa niya sa Israel, sa Diyos, at sa tahanan ng Diyos. 17 Ngayon pagkatapos ng kamatayan ni Joiada, nagpunta ang mga pinuno ng Juda at pinarangalan ang hari. At nakinig sa kanila ang hari. 18 Pinabayaan nila ang tahanan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at sinamba ang mga diyos na Ashera at ang mga diyus-diyosan. Dumating ang galit ng Diyos sa Juda at Jerusalem dahil sa kanilang maling gawain. 19 Gayunman, nagpadala siya ng mga propeta sa kanila upang muli silang ibalik sa kaniya, kay Yahweh. Nagpatotoo ang mga propeta laban sa mga tao, ngunit ayaw nilang makinig. 20 Dumating ang Espiritu ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo si Zacarias sa itaas ng mga tao at sinabi sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Diyos, 'Bakit ninyo nilalabag ang mga kautusan ni Yahweh, nang sa gayon hindi kayo sumagana? Yamang tinalikuran na ninyo si Yahweh, tinalikuran rin niya kayo.'” 21 Ngunit nagsabuwatan sila laban sa kaniya at sa utos ng hari, siya ay binato nila ng mga bato sa patyo ng tahanan ni Yahweh. 22 Sa paraang ito, pinagsawalang-bahala ni haring Joas ang kabaitan na ginawa sa kaniya ni Joiada, ang ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya ang anak ni Joiada. Nang si Zacarias ay naghihingalo, kaniyang sinabi, “Makita nawa ito ni Yahweh at papanagutin ka.” 23 At nangyari, sa katapusan ng taon na ang hukbo ng Aram ay dumating laban kay Joas. Pumunta sila sa Juda at Jerusalem, pinatay nila lahat ng mga pinuno ng mga tao at ipinadala ang lahat ng kanilang ninakaw sa hari ng Damasco. 24 Pumunta ang hukbo ng mga Arameo na may munting bilang, ngunit ibinigay sa kanila ni Yahweh ang katagumpayan laban sa isang nakapalaking hukbo dahil tinalikuran ng taga-Juda si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa paraang ito, ang mga Arameo ang nagdala ng hatol kay Joas. 25 Nang nakaalis na ang mga Arameo, malubhang nasugatan si Joas. Nagsabuwatan ang kaniyang sariling mga lingkod laban sa kaniya dahil sa pagpatay sa mga anak ng paring si Joiada. Siya ay pinatay nila sa kaniyang higaan, at namatay siya. Siya ay inilibing nila sa lungsod ni David, ngunit hindi sa mga libingan ng mga hari. 26 Ito ang mga taong nagsabuwatan laban sa kaniya, si Sabad na anak ni Simeat na Ammonita at si Jehosabad na anak ni Simrit na Maobita. 27 Ngayon ang kasaysayan tungkol sa kaniyang mga anak, ang mahalagang mga propesiya na sinabi tungkol sa kaniya, at ang muling pagtatayo ng tahanan ng Diyos, tingnan, nakasulat ang mga ito sa Ang Paliwanag sa Aklat ng mga Hari. At si Amazias na kaniyang anak ang pumalit sa kaniya bilang hari.