7
Sinabi ni Eliseo, “Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh. Ito ang sinasabi niya: 'Bukas, sa ganitong oras, isang takal ng mainam na harina ang ipagbibili kapalit ng isang sekel, at dalawang takal ng sebada ang ipagbibili kapalit ng isang sekel sa tarangkahan ng Samaria.'” Pagkatapos ang kapitan na kanang kamay ng hari ay sumagot sa lingkod ng diyos, at sinabi, “Masdan mo, kahit na gumawa si Yahweh ng bintana sa langit, maaari bang mangyari ito?” Tumugon si Eliseo, “Masasaksihan mo itong mangyari gamit ang sarili mong mga mata, pero hindi ka makakakain mula dito.” Ngayon, mayroong apat na lalaking may ketong sa labas ng tarangkahan ng lungsod. Sinabi nila sa isa't isa, “Bakit tayo mauupo rito hanggang mamatay tayo? Kung sabihin nating papasok tayo sa lungsod, ang taggutom ay nasa lungsod, at mamamatay tayo roon. Pero kung uupo pa rin tayo dito, mamamatay pa rin tayo. Kaya ngayon, halika, pumunta tayo sa hukbo ng mga Aramean. Kung pananatilihin nila tayong buhay, mabubuhay tayo, at kung papatayin nila tayo, mamamatay lang tayo.” Kaya tumayo sila nang mag-gagabi na para pumunta sa kampo ng mga Aramean; nang dumating sila sa pinakalabas na bahagi ng kampo, walang naroon. Dahil pinarinig ng Panginoon sa mga Aramean ang ingay ng mga karwahe, at ang ingay ng mga kabayo —ang ingay ng isang malaking hukbo, at sinabi nila sa isa't isa, “Inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng mga Hiteo at mga taga-Ehipto para pumunta laban sa amin.” Kaya tumayo ang mga sundalo at tumakas nang mag-gagabi na; iniwan nila ang kanilang mga tolda, mga kabayo, mga asno, at ang kampo sa lagay nito, at tumakas para sa mga buhay nila. Nang dumating sa pinakalabas na bahagi ng kampo ang mga lalaking may ketong, pumasok sila sa loob ng isang tolda at kumain at uminom, at tinangay ang pilak at ginto at mga damit at tinago ito. Bumalik sila at pumasok sa isa pang tolda at tinangay ang mga nasamsam nila mula roon at tinago itong muli. Pagkatapos sinabi nila sa isa't isa, “Hindi tama ang ginagawa natin. Ang araw na ito ay araw ng magandang balita, pero nananahimik tayo patungkol dito. Kung maghihintay tayo hanggang bukang-liwayway, parurusahan tayo. Kaya, halina at sabihin natin ito sa sambahayan ng hari.” 10 Kaya't pumunta sila at tinawag ang mga tagabantay ng tarangkahan ng lungsod. Sinabi nila sa kanila, “Nagpunta kami sa kampo ng mga Aramean, pero walang naroon, wala ni tunog ninuman, pero naroon ang mga kabayo nila, at ang mga asnong nakatali, at ang mga tolda sa lagay nito.” 11 At isinigaw ng mga bantay ng tarangkahan ang balita, at pagkatapos sinabi ito sa loob ng sambahayan ng hari. 12 Pagkatapos bumangon ang hari kinagabihan at sinabi sa kaniyang mga lingkod, “Sasabihin ko sa inyo ngayon ang ginawa ng mga Aramean sa atin. Alam nilang gutom tayo, kaya umalis sila ng kampo para magtago sa mga bukirin. Sinasabi nila, “Sa oras na lumabas sila sa lungsod, kukunin natin sila nang buhay, at papasok tayo sa lungsod.'” 13 Sumagot ang isa sa mga lingkod ng hari at sinabing, “Pakiusap, hayaan mong kunin ng ilan sa mga tauhan ang limang kabayong natitira sa lungsod. Tulad sila ng lahat ng natitira sa mga mamamayan ng Israel —karamihan ay patay na; hayaan mong ipadala namin sila at tingnan ito.” 14 Kaya kumuha sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo, at sinugo sila ng hari sa hukbo ng mga Aramean, sinasabing, “Tingnan ninyo iyon.” 15 Sinundan nila sila hanggang sa Jordan, at ang lahat ng daanan ay puno ng mga damit at gamit na iniwan ng mga Aramean sa pagmamadali. Kaya bumalik ang mga mensahero at sinabi sa hari.” 16 Lumabas ang mga tao at sinamsam ang mga gamit sa kampo ng mga Aramean. Kaya ang takal ng mainam na harina ay ipinagbili sa halagang isang sekel at ang dalawang takal ng sebada ay kapalit ng isang sekel, tulad ng sinabi ni Yahweh. 17 Inutusan ng hari ang kapitan, ang kaniyang kanang kamay, para mangasiwa sa tarangkahan, at tinapak-tapakan siya ng mga tao sa daan ng tarangkahan. Namatay siya gaya ng sinabi ng lingkod ng Diyos nang bumaba ang hari sa kaniya. 18 Kaya nangyari iyon gaya ng sinabi ng lingkod ng Diyos sa hari, sinasabing, “Sa oras na ito sa tarangkahan ng Samaria, ang dalawang takal ng sebada ay ipagbibili sa halagang isang sekel, at ang isang takal ng mainam na harina para sa isang sekel.” 19 Sinagot ng kapitang iyon ang lingkod ng Diyos at sinabing, “Kahit gumawa si Yahweh ng bintana sa langit, maaari bang mangyari ito?” Sinabi ni Eliseo, “Makikita mong mangyari ito nang sarili mong mga mata, pero hindi ka kakain mula rito.” 20 At nangyari ito sa kaniya sa ganoong paraan, dahil tinapak-tapakan siya ng mga tao sa tarangkahan, at namatay siya.