13
1 Sa ikadalawampu't tatlong taon na paghahari ni Joas, anak ni Ahasias hari ng Juda, si Jehoahas ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; naghari siya sa loob ng labimpitong taon. 2 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Yahweh at sinundan niya ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na nagdulot sa Israel na magkasala; at hindi tumalikod si Jehoahas mula rito. 3 Dahil dito, nagsiklab ang galit ni Yahweh laban sa Israel at paulit-ulit niya silang pinasakop kay Hazael hari ng Aram at Ben Hadad anak ni Hazael. 4 Kaya nagsumamo si Jehoahas kay Yahweh, at pinakinggan siya ni Yahweh dahil nakita niya ang pang-aapi sa Israel, kung paano sila inaaapi ng hari ng Aram. 5 Kaya binigyan ni Yahweh ang Israel ng isang tagapagligtas, at sila ay nakatakas sa ilalim ng kapangyarihan ng mga Aramean, at ang bayan ng Israel ay nagsimulang mamuhay sa kani-kanilang tahanan gaya ng dati. 6 Gayunpaman, hindi nila tinalikuran ang mga kasalanan ni Jeroboam, na nagdulot sa Israel na magkasala, at nagpatuloy sila sa paggawa nito. At nanatili ang diyus-diyosang Asera sa Samaria. 7 Nagtira ang mga Amarean kay Jehoahas ng limampung mangangabayo lamang, sampung karwahe, at sampung libong kawal, dahil winasak sila ng hari ng Aram at ginawang tulad ng ipa sa panahon ng anihan. 8 Ang iba pang bagay tungkol kay Jehoahas, at ang lahat ng kaniyang ginawa at kaniyang kapangyarihan, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 9 Kaya nahimlay si Jehoahas kasama ng kaniyang mga ninuno, at siya ay inilibing nila sa Samaria. Si Joas na kaniyang anak ang naging hari kapalit niya. 10 Sa ikatatlumpu't pitong taon ng paghahari ni Joas hari ng Juda, nagsimula ang paghahari ni Jehoas anak ni Jehoahas sa Samaria; naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. 11 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh. Hindi niya tinalikuran ang kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, kung saan nagdulot sa Israel na magkasala, at namuhay siya sa mga ito. 12 Ang iba pang bagay tungkol kay Joas, at lahat ng kaniyang ginawa, at kaniyang katapangan kung saan nakipaglaban siya kay Amasias hari ng Juda, hindi ba ito nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 13 Nakahimlay si Joas kasama ng kaniyang mga ninuno, at si Jeroboam ang umupo sa kaniyang trono. Inilibing si Joas sa Samaria kasama ng mga hari ng Israel. 14 Ngayon, si Eliseo ay nagkasakit na kaniyang ikinamatay kalaunan, kaya si Joas ay bumaba at nanangis sa kaniya. Sinabi niya, “Ama ko, ama ko, ang mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo ay kinukuha ka palayo!” 15 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng pana at ilang palaso,” kaya si Joas ay kumuha ng isang pana at ilang mga palaso. 16 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Hawakan mo ang pana,” kaya hinawakan niya ito. Pagkatapos, ipinatong ni Eliseo ang kaniyang kamay sa mga kamay ng hari. 17 Sinabi ni Eliseo, “Buksan mo ang bintanang nakaharap sa silangan,” kaya binuksan niya ito. Pagkatapos sinabi ni Eliseo, “Pumana ka!”, at pumana siya. Sinabi ni Eliseo, “Ito ang palaso ng katagumpayan ni Yahweh, palaso ng katagumpayan laban sa Aram, dahil lulusubin mo ang mga Aramean sa Afec hanggang matalo ninyo sila.” 18 Pagkatapos sinabi ni Eliseo, “Kunin mo ang mga palaso,” kaya kinuha ito ni Joas. Sinabi niya sa hari ng Israel, “Ipana mo ito sa lupa,” at pinana niya ito sa lupa nang tatlong beses, pagkatapos tumigil siya. 19 Pero ang lingkod ng Diyos ay nagalit sa kaniya at sinabing, “Dapat pinana mo ang lupa ng lima o anim na beses. Pagkatapos lulusubin mo ang Aram hanggang maubos mo sila, pero ngayon, lulusubin mo lang sila ng tatlong beses.” 20 Pagkatapos namatay si Eliseo, at siya ay inilibing. Ngayon sumalakay ang pangkat ng mga Moabita sa pagsisimula ng taon. 21 Habang inililibing nila ang isang lalaki, nakita nila ang isang pangkat ng Moabita, kaya inihagis nila ang katawan sa libingan ni Eliseo. Pagkadikit na pagkadikit ng lalaki sa mga buto ni Eliseo, nabuhay siya at tumayo. 22 Inapi ni Hazael hari ng Aram ang Israel sa panahon ng paghahari ni Jehoahas. 23 Pero mahabagin si Yahweh sa Israel at mayroon siyang awa at malasakit sa kanila, dahil sa kaniyang tipan kay Abraham, Isaac at Jacob. Kaya hindi sila winasak ni Yahweh, at hindi niya pa rin sila inilayo sa kaniyang presensiya. 24 Namatay si Hazael hari ng Aram, at si Ben Hadad na kaniyang anak ang naging hari kapalit niya. 25 Binawi ni Jehoas anak ni Joacaz mula kay Ben Hadad anak ni Hazael ang mga lungsod na kinuha mula kay Joacaz na kaniyang ama noong digmaan. Nilusob siya ni Joas tatlong beses, at nabawi niya ang mga lungsod ng Israel.