3
1 Ngayon, sumulat ako sa inyo, mga minamahal, ang ikalawang sulat na ito ay upang gisingin ang inyong tapat na kaisipan, 2 upang inyong maalala ang mga salita na sinabi noon ng mga banal na propeta at ang tungkol sa utos ng Panginoon at tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol. 3 Una ninyong alamin ito, na darating ang mga mangungutya sa huling araw ay kukutyain kayo ng taong mangungutya at mamumuhay sa kanilang mga sariling kagustuhan. 4 at sasabihing, “Nasaan ang pangako ng kaniyang pagbabalik? Patay na ang ating mga ama, ngunit ang lahat ng mga bagay ay nananatili buhat nang likhain ang mundo.” 5 Sinadya nilang kinalimutan na ang mga langit at lupa ay nabuo mula sa tubig, at sa tubig, mahabang panahon na ang nakalipas, sa pamamagitan ng salita ng Diyos, 6 at sa kaniyang salita ang mundo ay nagkaroon ng tubig sa oras na iyon, at ang tubig ay siyang bumaha at sumira. 7 Ngunit ngayon ang mga langit at ang lupa ay ipinapanatili para sa katulad na salita para sa apoy, nakahanda para sa araw ng paghuhukom at ang pagkawasak ng mga taong hindi maka Diyos. 8 Ito ay hindi sana mawawala sa inyong kaalaman, mga minamahal, na ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng isang libong mga taon, at ang isang libong mga taon ay tulad ng isang araw. 9 Ang Panginoon ay hindi mabagal tungkol sa kaniyang mga pangako, na itinuturing ng iba na kabagalan, ngunit siya ay matiyaga sa iyo. Hindi niya ninanais na sino man sa inyo ay mapahamak, ngunit ninanais niyang bigyan ng panahon ang lahat upang magsisi. 10 Gayunpaman, ang araw ng Panginoon ay darating na parang isang magnanakaw, ang mga langit ay mawawala kasabay ng malakas na ingay. Ang mga bagay ay masusunog sa apoy, at ang lupa at ang mga gawa dito ay maihahayag. 11 Yaman lamang na ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawala sa ganitong kaparaanan, anong uri ng tao kayo dapat maging? Dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos. 12 Inyo ngang asahan at magmadali patungo sa pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon, ang langit ay magugunaw sa pamamagitan ng apoy, at ang mga bahagi nito ay matutunaw sa pamamagitan ng sobrang init. 13 Ngunit ayon sa kaniyang pangako, ating hintayin ang bagong mga langit at ang bagong lupa, kung saan ang mga katuwiran ay mananahan. 14 Kaya nga, mga minamahal, yaman din lamang na inaasahan ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong gawin ang lahat na kayo ay matagpuang walang bahid, at walang kapintasan upang makatagpo ng kapayapaan sa kaniya, 15 At isaalang-alang ninyo ang katiyagahan ng ating Panginoon na maging kaligtasan, kagaya ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungan na ipinagkaloob sa kaniya. 16 Sinabi ni Pablo ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng kaniyang mga sulat, na kung saan maraming mga bagay ang mahihirap na maintindihan. Ang mga bagay na ito ay binaluktot ng mga taong hindi naturuan at walang katiyakan, habang sila ay gumagawa ng ibang mga kasulatan para sa sarili nilang kapahamakan. 17 Kaya nga mga minamahal, yamang din lamang na alam na ninyo ang mga bagay na ito, bantayan ninyo ang inyong mga sarili, upang hindi kayo maililigaw sa panlilinlang ng mga taong walang batas na siyang magdudulot ng pagkawala ng inyong katapatan. 18 Ngunit, lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kaniya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. Amen!