12
1 Pagkatapos ipinadala ni Yahweh si Natan kay David. Pumunta siya sa kaniya at sinabi, “May dalawang lalaki sa isang lungsod. Mayaman ang isang lalaki at mahirap ang isa. 2 Maraming bakahan at kawan ang mayamang lalaki, 3 pero ang mahirap na lalaki ay wala maliban sa isang maliit na babaeng tupa na binili niya at pinakain at pinalaki. Lumaki iyon kasama niya at kasama ng kaniyang mga anak. Kumakain ang tupa kasama niya at umiinom mula sa kaniyang sariling tasa at natutulog iyon sa kaniyang mga bisig at parang isang anak na babae sa kaniya. 4 Isang araw may isang panauhin ang dumating sa mayamang lalaki, pero ayaw ng mayamang lalaki na kumuha ng isang hayop mula sa kaniyang sariling bakahan at mga kawan para magbigay ng pagkain para sa kaniya. Sa halip kinuha niya ang babaeng tupa ng mahirap na lalaki at niluto ito para sa kaniyang panauhin.” 5 Nag-aapoy sa galit si David laban sa mayamang lalaki at nagalit siya ng labis kay Natan, “Habang si Yahweh ay nabubuhay, dapat patayin ang lalaking gumawa nito. 6 Dapat niyang bayaran ang tupa ng apat na beses dahil ginawa niya ang ganoong bagay at dahil wala siyang awa sa mahirap na lalaki.” 7 Pagkatapos sinabi ni Nathan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon! Sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, 'Pinahiran kita ng langis para maging hari ng buong Israel at iniligtas kita mula sa kamay ni Saul. 8 Ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong amo at ang mga asawa ng iyong amo sa iyong mga bisig. Ibinigay ko rin sa iyo ang bahay ng Israel at Juda. At kung kulang pa iyon, ibibigay ko pa sana sa iyo ang maraming bagay bilang karagdagan. 9 Kaya bakit mo inalipusta ang mga utos ni Yahweh, para gumawa ng masama sa kaniyang paningin? Pinatay mo si Urias ang Heteo sa pamamagitan ng espada at kinuha ang kaniyang asawa upang maging iyong sariling asawa. Pinatay mo siya sa pamamagitan ng espada ng hukbo ng Ammon. 10 Kaya ngayon hindi aalis ang espada sa iyong bahay, dahil inalipusta mo ako at kinuha ang asawa ni Urias ang Heteo bilang iyong asawa.' 11 Sinabi ni Yahweh, 'Tingnan, ibabangon ko ang kapahamakan laban sa iyo mula sa iyong sariling bahay. Sa harapan ng iyong mga mata, kukunin ko ang iyong mga asawa at ibibigay sila sa iyong kapwa at sisipingan niya ang iyong mga asawa sa maliwanag na araw. 12 Dahil palihim mong ginawa ang iyong kasalanan, pero gagawin ko ang bagay na ito sa harapan ng buong Israel, sa tanghaling-tapat.”' 13 Pagkatapos sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako laban kay Yahweh.” Sumagot si Natan kay David, “Pinatawad na rin ni Yahweh ang iyong kasalanan. Hindi ka papatayin. 14 Gayunman, dahil sa gawaing ito inalipusta mo si Yahweh, tiyak na mamamatay ang batang isisilang sa iyo.” 15 Pagkatapos umalis si Natan at umuwi. Sinaktan ni Yahweh ang anak ng asawa ni Urias kay David at lubha siyang nagkasakit. 16 Pagkatapos nagsumamo si David sa Diyos para sa bata. Nag-ayuno si David at pumunta sa loob at buong gabing humiga sa sahig. 17 Bumangon at tumayo sa tabi niya ang mga nakatatanda sa kaniyang bahay, para ibangon siya mula sa sahig, pero hindi siya bumangon at hindi siya kumain kasama nila. 18 Nangyari na sa ika-pitong araw namatay ang bata. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kaniya na patay na ang bata, dahil sinabi nila, “Tingnan mo, habang buhay pa ang bata kinausap natin siya at hindi siya nakinig sa ating boses. Baka kung ano gawin niya sa kanyang sarili kung sasabihin natin sa kaniyang patay na ang bata?!” 19 Pero nang makita ni David na nagbubulungan ang kaniyang mga lingkod, naghinala si David na patay na ang bata. Sinabi niya sa kaniyang mga lingkod, “Patay na ba ang bata?” Sumagot sila, “Patay na siya.” 20 Pagkatapos bumangon si David mula sa sahig at hinugasan ang kaniyang sarili, pinahiran ng langis ang kaniyang sarili at pinalitan ang kaniyang mga damit. Pumunta siya sa tabernakulo ni Yahweh at sumamba doon at pagkatapos bumalik sa kaniyang sariling palasyo. Nang hilingin niya ito, naghanda sila ng pagkain sa kanyang harapan at kumain siya. 21 Pagkatapos sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, “Bakit mo ginawa ito? Nag-ayuno ka at umiyak para sa bata habang nabubuhay pa siya, pero nang namatay ang bata, bumangon ka at kumain.” 22 Sumagot si David, “Habang buhay pa ang bata nag-ayuno ako at umiyak. Sinabi ko, 'Sinong nakakaalam kung kaaawaan ako ni Yahweh o hindi na maaaring mabuhay ang bata?' 23 Pero ngayon patay na siya, bakit pa ako mag-ayuno? Maibabalik ko ba siyang muli? Pupunta ako sa kaniya, pero hindi siya babalik sa akin.” 24 Inaliw ni David ang kaniyang asawang si Batsheba at pumunta sa kaniya at sumiping sa kaniya. Kaya nagkaanak siya ng isang batang lalaki at pinangalanang Solomon ang bata. Mahal siya ni Yahweh, 25 kaya nagpadala siya ng salita sa pamamagitan ni Natan ang propeta para pangalanan siyang Jedidias, dahil mahal siya ni Yahweh. 26 Ngayon, nakipaglaban si Joab sa Rabba, ang maharlikang lungsod ng mga tao ng Ammon at nabihag niya ang kuta nito. 27 Kaya nagpadala si Joab ng mga mensahero kay David at sinabi, “Nakipaglaban ako sa Rabba at nakuha ko ang ipunan ng tubig ng lungsod. 28 Ngayon samakatwid sama-samang ipunin ang natitirang hukbo at magkampo laban sa lungsod at kunin ito, dahil kung kukunin ko ang lungsod, ipapangalan ito sa akin.” 29 Kaya sama-samang tinipon ni David ang lahat ng kaniyang mga hukbo at pumunta sa Rabba; nakipaglaban siya sa lungsod at nabihag ito. 30 Kinuha ni David ang korona mula sa ulo ng kanilang hari—tumitimbang ito ng isang talentong ginto at may isang mamahaling bato rito. Inilagay ang korona sa sariling ulo ni David. Pagkatapos inilabas niya ang nakuha sa panloloob ng lungsod na may malalaking kabuuan. 31 Inilabas niya ang mga tao na nasa lungsod at pinilit silang magtrabaho gamit ang mga lagari, mga suyod na bakal at mga palakol; pinagtrabaho din niya sila sa tapahan ng laryo. Inatasan ni David ang lahat ng mga lungsod ng mga tao ng Ammon na gawin ang mga trabahong ito. Pagkatapos bumalik si David at ang buong hukbo sa Jerusalem.