18
1 Ang mga pari, na mga Levita, at ang lahat ng lipi ni Levi, ay walang bahagi ni pamana sa Israel; dapat nilang kainin ang mga handog kay Yahweh na gawa sa apoy bilang kanilang pamana. 2 Dapat wala silang pamana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki; si Yahweh ang kanilang pamana, gaya ng sinabi niya sa kanila. 3 Ito ang magiging bahagi ng mga nakatakdang pari mula sa mga tao, mula sa kanila na naghahandog ng isang alay, maging ito ay mga baka o tupa: dapat nilang ibigay sa pari ang balikat, ang dalawang pisngi, at ang mga lamanloob. 4 Ang mga unang bunga ng inyong butil, ng inyong bagong alak, at ng inyong langis, at ang unang balahibo ng inyong tupa, dapat ninyong ibigay sa kaniya. 5 Dahil pinili siya ni Yahweh na inyong Diyos mula sa lahat ng inyong lipi para tumayong maglingkod sa pangalan ni Yahweh, siya at ang kaniyang mga anak na lalaki magpakailanman. 6 Kung may isang Levita na dumating mula sa alinman sa inyong mga bayan na mula sa buong Israel kung saan siya namumuhay, at nagnanais ng buong kaluluwa na siya'y pumunta sa lugar na pipiliin ni Yahweh, 7 sa gayon dapat siyang maglingkod sa pangalan ni Yahweh na kaniyang Diyos gaya ng ginagawa ng lahat ng kaniyang kapatid na Levita, na siyang tumayo roon sa harapan ni Yahweh. 8 Dapat silang magkaroon ng parehong bahagi para kainin, bukod sa kung ano ang dumating mula sa pinagbilhan ng pamana ng kaniyang pamilya. 9 Kapag nakarating kayo sa lupaing ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo, hindi ninyo dapat matutunan ang mga kasuklam-suklam na bagay ng mga bansang iyon. 10 Walang dapat na makitang isa sa inyo na ginagawang padaanin ang kaniyang anak na lalaki o kaniyang anak na babae sa apoy, sinumang gumagawa ng panghuhula, sinumang nagsasanay ng hula, o alinmang mang-aakit, o alinmang mangkukulam, 11 alinmang manggagayuma, sinumang nakipag-usap sa patay, o sinumang nakikipag-usap sa mga espiritu. 12 Dahil ang sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh; dahil sa mga kasuklam-suklam na bagay na ito palalayasin sila ni Yahweh na inyong Diyos mula sa inyong harapan. 13 Wala dapat kayong bahid ng kasalanan sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos. 14 dahil ang mga bansang ito na inyong sasakupin ay nakikinig sa mga taong gumagawa ng pangkukulam at panghuhula; pero para sa inyo, hindi kayo pinayagan ni Yahweh na inyong Diyos na gawin iyon. 15 Magtatatag si Yahweh na inyong Diyos ng isang propeta para sa inyo na mula sa inyo, isa sa inyong mga kapatid, katulad ko. Dapat kayong makinig sa kaniya. 16 Ito ang inyong hiningi mula kay Yahweh na inyong Diyos sa Horeb ng araw ng pagpupulong, sa pagsasabing, 'Huwag nating hayaang marinig muli ang boses ni Yahweh na ating Diyos, ni makita pa man ang malaking apoy na ito, o tayo ay mamamatay.' 17 Sinabi ni Yahweh sa akin, 'Ang kanilang sinabi ay mabuti. 18 Magtatatag ako ng isang propeta para sa kanila mula sa kanilang mga kapatid, na katulad mo. Ilalagay ko ang aking mga salita sa kaniyang bibig, at sasabihin niya sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa kanila. 19 Mangyayari ito kung mayroong hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi niya sa aking pangalan, hihingin ko ito sa kaniya. 20 Pero ang propetang magsasalita nang may kayabangan sa aking pangalan, isang salita na hindi ko iniutos sa kaniya na sabihin, o magsalita sa pangalan ng ibang mga diyus-diyosan, ang propetang iyan ay dapat na mamatay.' 21 Kung sasabihin ninyo sa inyong puso, 'Paano natin makikilala ang isang mensahe na hindi sinabi ni Yahweh?'— 22 kapag magsasalita ang isang propeta sa pangalan ni Yahweh, kung ang bagay na iyon ay hindi maganap ni mangyari, kung gayon iyon ay isang bagay na hindi sinabi ni Yahweh; sinasabi ito ng propeta ng may kayabangan, at hindi kayo dapat matakot sa kaniya.