2
1 Sinabi sa akin ng tinig, “Anak ng tao, tumayo ka at magsasalita ako sa iyo.” 2 At dinala ako ng Espiritu habang siya ay nagsasalita sa akin at itinayo niya ako, at narinig ko siyang nagsasalita sa akin. 3 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, sinusugo kita sa mga tao ng Israel, sa suwail na bansang naghimagsik laban sa akin—nagkasala sila at ng kanilang mga ninuno laban sa akin hanggang sa panahong ito! 4 Ang kanilang mga kaapu-apuhan ay may mga matitigas na mukha at mga matitigas na puso. Isinusugo kita sa kanila. At sasabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh.' 5 Makinig man sila o hindi sila makikinig. Sila ay suwail na sambahayan, ngunit malalaman man lamang nila na isang propeta ang kabilang sa kanila. 6 At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila o sa kanilang mga salita. Huwag kang matakot, kahit na kasama mo ang mga dawag at mga tinik, at kahit na ikaw ay namumuhay kasama ng mga alakdan. Huwag kang matakot sa kanilang mga salita o panghinaan ng loob sa kanilang mga mukha, sapagkat sila ay suwail na sambahayan. 7 Ngunit sasabihin mo sa kanila ang aking mga salita, makinig man sila o hindi, dahil sila ay napakasuwail. 8 Ngunit ikaw, anak ng tao, makinig ka sa sinasabi ko sa iyo. Huwag kang maging suwail tulad ng suwail na sambahayang iyon. Buksan mo ang iyong bibig at kainin ang ibibigay ko sa iyo!” 9 Pagkatapos, tumingin ako at isang kamay ang nag-abot sa akin, dito ay may kasulatang binalumbon. 10 Inilatag niya ito sa aking harapan, nasulatan ang harap at ang likod nito, at mga panaghoy, pagluluksa, at kapighatian ang nakasulat dito.