14
Pumunta sa akin ang ilang mga nakatatanda ng Israel at umupo sa aking harapan. At dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, “Anak ng tao, taglay ng mga kalalakihang ito ang kanilang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa harap ng kanilang mga sariling mukha. Dapat ba silang sumangguni sa akin? Kaya ipahayag mo ito sa kanila at sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: 'Ang bawat tao sa sambahayan ng Israel na nagtataglay ng kaniyang diyus-diyosan sa kaniyang puso o ang naglalagay ng katitisuran ng kaniyang kasamaan sa kaniyang harapan at ang pupunta sa propeta—ako si Yahweh, sasagutin ko siya ayon sa bilang ng kaniyang mga diyus-diyosan. Gagawin ko ito upang mabawi ko ang sambahayan ng Israel, ang kanilang mga puso na inilayo sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan!' Kaya sabihin mo sa sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Magsisi na kayo at talikuran na ninyo ang inyong mga diyus-diyosan! Tumalikod na kayo sa lahat ng inyong mga kasuklam-suklam na gawain! Sapagkat ang bawat isa na mula sa sambahayan ng Israel at ang bawat isa na mga dayuhang naninirahan sa Israel na lumayo sa akin, na taglay ang kaniyang mga diyus-diyosan sa kaniyang puso at inilagay ang katitisuran ng kaniyang kasamaan sa harap ng kaniyang sariling mukha, at pupunta sa isang propeta upang hanapin ako—Ako, si Yahweh ang mismong sasagot sa kaniya! Kaya haharap ako laban sa taong iyon at gagawin ko siyang isang tanda at isang kawikaan, sapagkat ihihiwalay ko siya sa kalagitnaan ng aking mga tao, at malalaman ninyo na Ako si Yahweh! Kapag nilinlang ang isang propeta at nagsabi ng isang mensahe, at ako, si Yahweh, lilinlangin ko ang propetang iyon, iuunat ko ang aking kamay laban sa kaniya at wawasakin ko siya sa kalagitnaan ng aking mga Israelita. 10 At papasanin nila ang kanilang sariling kasamaan; ang kasamaan ng propeta ay magiging katulad ng kasamaan ng mga sumasangguni sa kaniya. 11 Dahil dito, hindi na lilihis sa pagsunod sa akin ang sambahayan ng Israel o ni dudungisan ang kanilang mga sarili sa lahat ng kanilang mga pagsuway kailanman. Magiging mga tao ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!”' 12 At dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 13 “Anak ng tao, kapag nagkasala ang isang lupain laban sa akin sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan upang iunat ko ang aking kamay laban dito at babaliin ang tungkod ng tinapay nito at magpapadala ako sa kaniya ng taggutom at papatayin ang tao at hayop mula sa lupain; 14 at kahit na ang tatlong kalalakihang ito—Noe, Daniel, at Job—ay nasa kalagitnaan ng lupain, maililigtas lamang nila ang sarili nilang buhay sa pamamagitan ng kanilang pagiging matuwid—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 15 Kung magpapadala ako ng mga mababangis na hayop sa lupain at gawin itong tigang upang maging kaparangan na walang mga tao ang makakadaan dahil sa mga mababangis na hayop, 16 at kahit pa naroon ang mga dating tatlong kalalakihan na ito—habang ako ay nabubuhay, ang pahayag ng Panginoong Yahweh—hindi nila maililigtas kahit pa ang kanilang mga sariling anak na lalaki at babae, ang sariling buhay lamang nila ang maililigtas, ngunit magiging kaparangan ang lupain! 17 O kung magpapadala man ako ng espada laban sa lupain na iyon at sabihin, 'Espada, pumunta ka sa mga lupain at patayin mo ang tao at hayop mula rito'— 18 at kahit pa nasa kalagitnaan ng lupain ang tatlong kalalakihang ito—habang ako ay nabubuhay, ang pahayag ng Panginoong Yahweh—hindi nila maililigtas kahit pa ang kanilang mga sariling anak na lalaki at babae, ang sarili lamang nilang buhay ang kanilang maililigtas. 19 O kung magpapadala man ako ng salot laban sa lupain na ito at ibubuhos ko ang aking matinding galit laban dito sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo upang patayin ang mga tao at hayop 20 at kahit pa nasa lupaing iyon sina Noe, Daniel, at Job—habang ako ay buhay, ang pahayag ng Panginoong Yahweh—hindi nila maililigtas kahit pa ang kanilang mga sariling anak na lalaki at babae, ang sarili lamang nilang buhay ang kanilang maililigtas sa pamamagitan ng kanilang pagiging matuwid. 21 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: tinitiyak kong magiging malala ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng ipapadala kong apat na kaparusahan—taggutom, espada, mababangis na hayop at salot—laban sa Jerusalem upang patayin ang mga tao at hayop mula sa kaniya. 22 Gayunman, tingnan mo! May mga matitira sa kaniya, mga nakaligtas na lalabas kasama ang mga anak na lalaki at babae. Tingnan mo! Lalabas sila mula sa iyo at makikita mo ang kanilang mga kaparaanan at mga kilos at maaaliw hinggil sa kaparusahan na aking ipinadala sa Jerusalem at tungkol sa lahat ng mga bagay na aking ipinadala laban sa lupain. 23 Aaliwin ka ng mga nakaligtas kapag makikita mo ang kanilang mga kaparaanan at ang kanilang mga kilos kaya malalaman mo na ginawa ko ang lahat ng bagay na ito laban sa kaniya na hindi ko ito ginawa sa kanila nang walang kabuluhan! —Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!”