18
Ang salita ni Yahweh ay muling dumating sa akin at sinabi, “Ano ang ibig mong sabihin, ikaw na gumamit ng kawikaang ito tungkol sa lupain ng Israel at nagsasabi, 'Ang mga ama na kumain ng mga maaasim na ubas, at ang ngipin ng mga anak ay nangilo?' Habang Ako ay nabubuhay—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—tiyak na hindi na magkakaroon pa ng anumang okasyon upang gamitin ninyo ang kawikaang ito sa Israel. Tingnan mo! Ang bawat buhay ay sa akin! At gayon din ang buhay ng ama at ang buhay ng anak sila ay sa akin! Ang taong nagkakasala ay mamamatay! Sapagkat ang tao, kung siya ay matuwid at taglay ang katarungan at katuwiran— kung hindi siya kumain sa mga dambana sa bundok, at hindi itinaas ang kaniyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ng Israel— kung hindi niya dinungisan ang asawa ng kaniyang kapitbahay, o ni hindi lumapit sa isang babae sa panahong siya ay may regla— kung wala siyang inaping sinuman sa halip ay nagsauli ng sangla sa umutang—kung hindi niya kinuha ang ninakaw, ngunit sa halip ay ibinibigay niya ang kaniyang pagkain sa mga nagugutom at tinatakpan ng mga damit ang hubad; kung hindi siya nagpapatong ng anumang tubo sa pagpaputang, o kumuha ng labis na kita— kung isinasagawa niya ang katarungan at pinatitibay ang katapatan sa pagitan ng mga tao— kung lumalakad siya sa aking mga kautusan at sinusunod ang aking mga alituntunin upang kumilos nang tapat—ang taong ito ay matuwid; siya ay mabubuhay! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 10 Subalit kung may anak siyang marahas na nagpapadanak ng dugo at ginagawa alinman sa mga bagay na ito— 11 kahit na hindi ginagawa ng kaniyang ama ang alinman sa mga bagay na ito— subalit kung ang kaniyang anak na lalaki ay kumain sa mga dambana sa bundok at sipingan ang asawa ng kapitbahay— 12 kung inaapi niya ang mahirap at nangangailangan, kung sumasamsam siya at nagnanakaw at hindi ibinabalik ang sangla, kung itinataas niya ang kaniyang mga mata sa mga diyos-diyusan o gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain; 13 at kung nagpapautang siya na nagpapabayad ng tubo at kumukuha ng hindi makatarungang kita, dapat ba siyang mabuhay? Siya ay hindi mabubuhay! Ginawa niya ang lahat ng kasuklam-suklam na ito. Siya ay tiyak na mamamatay; ang kaniyang dugo ay nasa kaniya. 14 Subalit tingnan mo! Kung magkaanak siya ng isang lalaking nakikita ang lahat ng kasalanang ginawa ng kaniyang ama, at kung siya mismo ay may takot sa Diyos at hindi ginagawa ang mga ganoong bagay— 15 at kung hindi siya kumain sa mga dambana sa bundok o itinaas ang kaniyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ng Israel—kung hindi niya sumiping sa asawa ng kaniyang kapitbahay; 16 Kung hindi niya inaapi ang sinuman, sinasamsam ang sangla, o kinukuha ang mga nakaw na bagay, ngunit sa halip ibinibigay ang kaniyang pagkain sa nagugutom at tinatakpan ng mga damit ang hubad— 17 kung iniurong niya ang kaniyang kamay sa paghatol sa mahirap at hindi kumukuha ng tubo o hindi makatarungang kita; kung sinusunod niya ang aking mga alituntunin at lumalakad ayon sa aking mga kautusan, hindi siya mamamatay para sa kasalanan ng kaniyang ama. Siya ay tiyak na mabubuhay! 18 Ang kaniyang ama, sapagkat inapi niya ang iba sa pamamagitan ng pagkuha nang sapilitan at ninakawan ang kaniyang kapatid na lalaki, at ginawa ang hindi mabuti sa mga tao—tingnan mo, siya ay mamamatay sa kaniyang malaking kasalanan. 19 Subalit sinasabi mo, 'Bakit hindi magawang akuin ng anak ang katampalasan ng kaniyang ama?' Dahil isinasagawa ng lalaking anak ang katarungan at katuwiran; at iniingatan ang aking mga utos at ginagawa niya ang mga ito. Tiyak na mabubuhay siya! 20 Ang siyang nagkasala, siya ang mamamatay. Hindi dadalhin ng anak ang kasalanan ng kaniyang ama, at hindi dadalhin ng ama ang kasalanan ng kaniyang anak. Ang katuwiran ng taong kumikilos nang makatarungan ay sa kaniyang sarili, at ang kasamaan ng masamang tao ay sa kaniyang sarili. 21 Ngunit kung ang taong makasalanan ay tatalikod sa lahat ng kaniyang mga ginawang kasalanan, at iingatan ang aking mga kautusan at isasagawa ang katarungan at katuwiran, tiyak na mabubuhay siya at hindi mamamatay. 22 Lahat ng pagsuway na kaniyang ginawa ay hindi na aalalahanin laban sa kanila. Siya ay mabubuhay sa pamamagitan ng katuwiran na kaniyang ginagawa na patuloy na ginagawa. 23 Labis ko bang ikinagagalak ang pagkamatay ng makasalanan—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—at hindi ang kaniyang pagtalikod mula sa kaniyang kaparaanan upang siya ay mabuhay? 24 Subalit kung ang matuwid na tao ay tumalikod sa kaniyang pagkamakatuwiran at isinagawa ang mga kasuklam-suklam tulad ng lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay ba siya? Lahat ng matuwid na kaniyang ginawa ay hindi aalalahanin kapag ipinagkanulo niya ako sa kaniyang kataksilan. Kaya siya ay mamamatay sa mga kasalanang kaniyang ginawa. 25 Subalit sinabi mo, 'Ang pamamaraan ng Panginoon ay hindi makatarungan! Makinig ka sambahayan ng Israel! Ang pamamaraan ko ba ay hindi makatarungan? 26 Kung ang matuwid na tao ay tumalikod sa kaniyang pagkamakatuwiran, at gumawa ng kasalanan at mamatay dahil sa mga ito, mamamatay siya sa kasalanang ginawa niya. 27 Ngunit kapag ang masamang tao ay tumalikod sa kasamaang ginawa niya at gumawa ng katarungan at katuwiran, kung gayon pinangangalagaan niya ang kaniyang buhay! 28 Sapagkat nakita niya at tumalikod mula sa lahat ng mga kasalanang ginawa niya. Siya ay mabubuhay; hindi siya mamamatay! 29 Sinabi ng sambahayang Israel, 'Ang kaparaanan ng Panginoon ay hindi makatarungan! Paanong ang aking kaparaanan ay hindi makatarungan, sambahayan ng Israel? At paanong ang iyong pamamaraan ay makatarungan? 30 Kaya hahatulan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong kaparaanan, sambahayan ng Israel! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. Magsisi kayo at talikuran ninyo ang lahat ng inyong mga pagsalangsang upang ang mga ito ay hindi maging kasalanan na katitisuran laban sa inyo. 31 Itapon palayo mula sa inyong sarili ang lahat ng mga pagsuway na inyong ginawa; magkaroon kayo ng bagong puso at bagong espiritu para sa inyong sarili. Sapagkat bakit kayo mamamatay, sambahayan ng Israel? 32 Sapagkat hindi ako nagagalak sa pagkamatay ng isang namatay—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh- kaya magsisi at mabuhay!”