27
1 Muling dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 “Ngayon ikaw, anak ng tao, magsimula ka ng panaghoy tungkol sa Tiro, 3 at sabihin sa Tiro, 'Ikaw na nananahan sa pasukan ng dagat, mga mangangalakal ng mga tao sa maraming mga isla, sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Tiro! Sinabi mo, “Wala akong kapintasan sa kagandahan!” 4 Nasa pusod ng mga karagatan ang iyong mga hangganan; ginawang walang kapintasan ng iyong mga manggagawa ang iyong kagandahan. 5 Ginawa nila ang iyong mga tabla mula sa mga pirs na galing sa Bundok ng Hermon; kumuha sila ng sedar mula sa Lebanon upang makagawa ng poste ng barko para sa iyo. 6 Ginawa nila ang iyong mga sagwan mula sa mga owk mula sa Bashan; ginawa nila ang iyong mga palapag mula sa kahoy na galing sa Cyprus at pinalamutian nila ito ng garing. 7 Makukulay na lino ang iyong mga layag na galing sa Egipto na parang inyong mga bandera! 8 Ang mga taong naninirahan sa Sidon at Arvad ay ang iyong mga taga-sagwan; ang mga taga-Tiro ay nasa sa iyo; sila ang iyong mga kapitan. 9 Ang iyong mga lamat ay pinunan ng mga bihasang manggagawa; dala-dala ng lahat ng mga barko sa dagat at ng kanilang mga manlalayag ang iyong mga kalakal na pangkalakal! 10 Nasa iyong hukbo ang mga taga-Persia, Lydia at Libya, ang iyong mga mandirigma! Isinabit nila sa iyo ang mga kalasag at mga helmet; ipinakita nila ang iyong kaluwalhatian! 11 Nakapalibot sa iyong mga pader ang mga kalalakihan ng Arvad at Helec sa iyong hukbo at ang mga tao sa Gamad ay nasa iyong mga tore! Isinabit nila ang kanilang mga kalasag sa iyong mga pader sa palibot mo! Kinumpleto nila ang iyong kagandahan! 12 Naging suki mo ang Tarsis dahil sa napakaraming uri ng kayamanan: pilak, bakal, lata, at tingga. Binili at ibinenta nila ang iyong mga paninda! 13 Ang Javan, Tubal, at Meshec—nagpalitan sila ng mga alipin at mga kagamitang gawa sa tanso. Sila ang namahala sa iyong mga kalakal. 14 Nagbigay ang Beth-Togarma ng mga kabayo, mga lalaking kabayo at mola bilang iyong mga pangkalakal. 15 Ang mga kalalakihan ng Rodes ang iyong naging mga mangangalakal sa maraming mga baybayin. Nasa iyong mga kamay ang mga kalakal; nagpadala sila pabalik ng mga sungay, garing, at itim na kahoy bilang pagpaparangal! 16 Naging mangangalakal mo ang Aram sa karamihan ng iyong produkto; nagbigay sila ng mga esmeralda, mga telang kulay lila, pinong tela, mga perlas at mga pulang rubi bilang iyong mga kalakal. 17 Nakikipagpalitan sa iyo ang Juda at ang lupain ng Israel. Nagbibigay sila ng trigo mula sa Minith, trigo, pulot, langis at balsamo bilang iyong mga kalakal. 18 Ang Damasco ay iyong mangangalakal sa lahat ng iyong mga produkto, lahat ng iyong napakalaking kayamanan, at ng alak ng Helbon at lana ng Zahar. 19 Binigyan ka ng mga taga-Dan at mga taga-Javan na mula sa Uzal ng mga kalakal na yari sa bakal, kanela at kalamo. 20 Naging kalakal ang mga ito para sa iyo. Mga pinong upuang kumot naman ang kinakalakal sa iyo ng Dedan. 21 Ang Arabia at ang lahat ng mga pinuno ng Kedar ay mga nakikipagkalakalan sa iyo; sa kanila nanggagaling ang mga tupa, mga lalaking tupa at mga kambing. 22 Pumupunta sa iyo ang mga mangangalakal ng Seba at Raama upang ibenta sa iyo ang bawat pinakamasasarap na pampalasa at ang lahat ng uri ng mga mamahaling bato; at nakikipagkalakalan sila ng ginto para sa iyong mga kalakal. 23 Nakikipagkalakalan sa iyo ang Haran, Canne at ang Eden, kasama ng Seba, Assur at Kilmad. 24 Ito ang mga nangangalakal sa iyo ng pinalamutiang balabal na kulay lila ang tela na may makukulay na habi at mga sari-saring kulay ng mga kumot, naburdahan at telang pulido ang pagkakahabi sa iyong mga pamilihan. 25 Ang mga barko ng Tarsis ang mga tagapagdala ng iyong mga kalakal! Kaya ikaw ay napuno lulan ng mabibigat na mga kalakal sa pusod ng mga karagatan! 26 Dinala ka ng iyong mga tagasagwan sa mga malalawak na karagatan; winasak ka ng hangin ng silangan sa kanilang kalagitnaan. 27 Ang iyong kayamanan, produkto at mga kalakal; ang iyong mga marino, mandaragat, at mga manggagawa ng barko; ang iyong mga mangangalakal ng mga produkto at ang lahat ng mga kalalakihang mandirigmang nasa iyo at lahat ng iyong mga tauhan - lulubog sila sa kailaliman ng dagat sa araw ng iyong pagkawasak. 28 Yayanig ang mga lungsod sa karagatan sa tunog ng sigaw ng iyong kapitan; 29 Bababa ang lahat ng mga humahawak ng sagwan mula sa kanilang mga barko; tatayo sa lupa ang mga marino at bawat manlalayag ng dagat. 30 Pagkatapos ay ipaparinig nila sa iyo ang kanilang mga boses at mananaghoy ng buong kapaitan; lalagyan nila ng alikabok ang kanilang mga ulo. Gugulong-gulong sila sa mga abo. 31 Kakalbuhin nila ang kanilang mga ulo para sa iyo at babalutin ang kanilang mga sarili gamit ang sako, at tatangis sila nang may pait at sila ay sisigaw. 32 Lalakasan nila ang kanilang pagdaing ng panaghoy para sa iyo at aawit ng panambitan sa iyo, Sino ang tulad ng Tiro, na ngayon ay nadala sa katahimikan sa kalagitnaan ng dagat? 33 Nang dumaong ang iyong mga kalakal mula sa dagat, nasiyahan ang maraming tao; pinayaman mo ang mga hari ng mundo sa iyong labis na kayamanan at kalakal! 34 Ngunit nang mawasak ka ng karagatan, sa pamamagitan ng mga katubigan, lumubog ang iyong mga kalakal at ang lahat ng iyong mga tripulante! 35 Nanlumo sa iyo ang lahat ng mga naninirahan sa mga baybayin at nanginig sa takot ang kanilang mga hari! Nanginig ang kanilang mga mukha! 36 Pinalatakan ka ng mga mangangalakal ng mga tao; ikaw ay naging isang katatakutan at hindi ka na muling mabubuhay kailanman.'”