6
1 Kaya si Haring Dario ay nag-utos ng isang imbestigasyon sa tahanan ng mga talaan sa Babilonia. 2 Sa tanggulang lungsod ng Ecbatana sa Media natagpuan ang isang kasulatang binalumbon; ito ang nakasulat sa talaan: 3 Sa unang taon ni Haring Ciro, naglabas siya ng isang utos tungkol sa tahanan ng Diyos sa Jerusalem: 'Maitayo nawa ang tahanan para sa paghahandog. Maitayo nawa ang mga pader nito na may animnapung siko ang taas at animnapung siko ang lapad, 4 na may tatlong patong ng malalaking bato at isang patong ng bagong troso. At ang tahanan ng hari ang magbabayad ng gastusin. 5 Ibalik din ninyo ang ginto at pilak na nabibilang sa tahanan ng Diyos na dinala ni Nebucadnezar mula sa templo ng Jerusalem patungo sa templo ng Babilonia. Ipadala ninyo ang mga iyon sa templo ng Jerusalem at ilagay ang mga iyon sa tahanan ng Diyos.' 6 Ngayon, Tatenai, Setar Bozenai, at ang iyong mga kapwa opisyal na nasa ibayo ng Eufrates, lumayo kayo sa lugar na iyon. 7 Pabayaan ninyo ang paggawa sa tahanan ng Diyos. Ang gobernador at ang mga nakatatandang Judio ay itatayo ang tahanang ito ng Diyos sa lugar na iyon. 8 Ipinag-uutos ko sa inyo na dapat ninyong gawin ito para sa mga nakatatandang Judiong nagtatayo ng tahanan ng Diyos: Ang mga pondo mula sa pagkilala sa hari sa ibayo ng Eufrates ay gagamitin para bayaran ang mga lalaking ito na hindi tumitigil sa kanilang paggawa. 9 Anuman ang kakailanganin—mga batang toro, mga lalaking tupa, o mga batang tupa para sa mga alay na susunugin sa Diyos ng Kalangitan, butil, asin, alak, o langis ayon sa utos ng mga pari sa Jerusalem—ibigay ninyo ang mga bagay na ito sa kanila araw-araw nang walang palya. 10 Gawin ninyo ito para sila ay makapagdala ng handog sa Diyos ng Kalangitan at ipanalangin ako, ang hari, at ang aking mga anak. 11 Ipinag-uutos ko na kung sinuman ang lalabag sa utos na ito, isang barakilan ang dapat hilahin mula sa kaniyang bahay at dapat siyang ituhog dito. Dahil dito, ang kaniyang tahanan ay dapat gawing isang tambak ng gumuhong mga bato. 12 Nawa ang Diyos na nabubuhay doon ay ibabagsak ang sinumang hari at mga tao na lalabag sa tahanang ito ng Diyos sa Jerusalem. Akong, si Dario, ang siyang nag-uutos nito. Gawin ninyo ito nang lubusan!” 13 At ginawa nina Tatenai, Setar Bozenai, at ng kanilang mga kasamahan ang lahat ng bagay na inutos ni Haring Dario. 14 Kaya ang mga nakatatandang Judio ay nagtayo sa paraang ipinagbilin nina Hagai at Zacarias sa pamamagitan ng pagpropesiya. Itinayo nila ito ayon sa utos ng Diyos ng Israel at ni Ciro, ni Dario, at ni Artaxerxes, mga hari ng Persia. 15 Ang tahanan ay natapos sa ikatlong araw ng buwan ng Adar, sa ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario. 16 Itinalaga ng mga Israelita, mga pari, mga Levita, at ng iba pang nalalabing mga bihag ang tahanan ng Diyos nang may kagalakan. 17 Naghandog sila ng isandaang toro, isandaang lalaking tupa, at apatnaraang batang tupa para sa pagtatalaga sa tahanan ng Diyos. Ladindalawang lalaking kambing ay inialay din bilang isang handog para sa kasalanan ng lahat ng Israelita, isa para sa bawat tribu ng Israel. 18 Itinalaga rin nila ang mga pari at mga Levita na gumawa ng kaniya-kaniyang gawain para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem, gaya ng nasusulat sa Aklat ni Moises. 19 Kaya ang mga galing sa pagkakatapon ay nagdiwang ng Paskua sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan. 20 Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang mga sarili at kinatay ang mga Pampaskua na mga alay para sa lahat ng mga nanggaling sa pagkakatapon, kasama ang mga pari at Levita. 21 Ang mga Israelitang kumain nang ilan sa karne ng Paskua ay ang mga bumalik galing sa pagkakatapon at ihiniwalay ang kanilang mga sarili mula sa karumihan ng mga tao sa lupain at hinanap si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 22 Buong kagalakan nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa nang pitong araw, dahil binigyan sila ni Yahweh ng kagalakan at binago ang puso ng hari ng Asiria upang palakasin ang kanilang mga kamay sa gawain ng kaniyang tahanan, ang tahanan ng Diyos ng Israel.