Hosea
1
1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Hosea, na anak na lalaki ni Beeri sa panahon nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias na mga hari ng Juda, at sa panahon ni Jeroboam, na anak na lalaki ni Jehoas na hari ng Israel. 2 Noong unang magsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya sa kaniya, “Humayo ka, mag-asawa ka ng babaing nagbebenta ng aliw. Magkakaroon siya ng mga anak na bunga ng kaniyang pagbebenta ng aliw. Sapagkat nagkakasala ang lupain ng matinding gawain ng pagbebenta ng aliw habang tinatalikuran ako.” 3 Kaya, humayo si Hosea at pinakasalan si Gomer na anak na babae ni Diblaim, at nagbuntis siya at nagsilang siya sa kaniya ng isang anak na lalaki. 4 Sinabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siya sa pangalang Jezreel. Sapagkat hindi magtatagal, paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa pagdanak ng dugo sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng sambahayan ni Israel. 5 Mangyayari ito sa araw na iyon na babaliin ko ang pana ng Israel sa lambak ng Jezreel.” 6 Nagbuntis muli si Gomer at nagsilang ng isang anak na babae. At sinabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siya sa pangalang Lo-ruhama, sapagkat hindi na ako mahahabag sa sambahayan ni Israel, ni dapat ko pa silang patawarin. 7 Ngunit mahahabag ako sa sambahayan ni Juda, at ako mismo, si Yahweh na kanilang Diyos ang magliligtas sa kanila. Hindi ko sila ililigtas sa pamamagitan ng pana, espada, digmaan, mga kabayo, o ng mga mangangabayo.” 8 Nang maawat ni Gomer si Lo-ruhama sa pagsuso, nagbuntis siya at nagsilang ng isa pang anak na lalaki. 9 At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siya sa pangalang Lo-ammi, sapagkat hindi ko kayo mga tao at hindi ako ang inyong Diyos. 10 Ngunit ang bilang ng mga tao ng Israel ay magiging tulad ng buhangin sa dalampasigan, na hindi masusukat o mabibilang. Mangyayari ito kung saan sinabi sa kanila na, 'Hindi ko kayo mga tao,' sasabihin ito sa kanila, 'Kayo ay mga tao ng buhay na Diyos.' 11 Titipunin ang mga tao ng Juda at mga tao ng Israel. Magtatalaga sila ng isang pinuno para sa kanila at lalabas sila mula sa lupain, sapagkat magiging dakila ang araw ng Jezreel.