61
Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin, dahil hinirang ako ni Yahweh para ipahayag ang mabuting balita sa mapagpakumbaba. Sinugo niya ako para pagalingin ang sugatang-puso, para ipahayag ang kalayaan sa mga nakabilanggo, at ang pagbubukas ng bilangguan sa mga nakagapos. Pinadala niya ako para ipahayag ang taon ng pabor ni Yahweh, ang araw ng paghihiganti ng aming Diyos, at para aliwin ang lahat ng nagluluksa— para ilagay sa lugar ang mga tumatangis sa Sion—para bigyan sila ng isang turban sa halip na mga abo, langis ng kagalakan sa halip na pagtatangis, isang balabal ng papuri kapalit ng isang espiritu ng kalungkutan, para tawagin silang mga puno ng katuwiran, ang pagtatanim ni Yahweh, para siya ay maaaring luwalhatiin. Muli nilang itatayo ang mga sinaunang lugar na gumuho; papanumbalikin nila ang mga dating pinabayaan. Panunumbalikin nila ang mga gumuhong lungsod, ang mga kasiraan mula sa maraming naunang salinlahi. Ang mga dayuhan ay tatayo at magpapakain ng inyong mga kawan, at ang mga anak ng mga dayuhan ay magtatrabaho sa inyong mga bukid at mga ubasan. Kayo ay tatawaging mga pari ni Yahweh; kayo ay tatawagin nilang mga lingkod ng aming Diyos. Kakainin ninyo ang kayamanan ng mga bansa, at ipagmamalaki ninyo ang kanilang mga yaman. Sa halip ng inyong kahihiyan magkakaroon kayo ng kasaganaan; at sa halip ng kasiraang-puri sila ay magagalak sa kanilang bahagi. Kaya sila ay magkakaroon ng isang dobleng bahagi ng kanilang lupa; walang-hanggang kagalakan ay mapapasakanila. Dahil Ako, si Yahweh, ay maibigin sa katarungan, at kinasusuklaman ko ang pagnanakaw at marahas na kawalan ng katarungan. Tapat akong gaganti sa kanila, at aking puputulin ang walang hanggang tipan sa kanila. Ang kanilang mga kaapu-apuhan ay makikilala sa kalagitnaan ng mga bansa, at ang kanilang mga anak sa kalagitnaan ng mga tao. Lahat ng nakakakita sa kanila ay kikilalanin sila, silang bayan na pinagpala ni Yahweh. 10 Ako ay lubos na magagalak kay Yahweh; sa aking Diyos ako ay labis na magsasaya. Dahil ako ay binihisan niya ng mga kasuotan ng kaligtasan; binihisan niya ako ng may balabal ng katuwiran, tulad ng isang lalaking ikakasal na ginagayakan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng isang turban, at tulad ng isang babaeng ikakasal na nagpapaganda sa kaniyang sarili ng kaniyang mga hiyas. 11 Kung paanong pinagsisibol ng lupa ang mga halaman nito, at tulad sa hardin na pinalalago ang itinanim na halaman dito, gayon din ang Panginoong Yahweh ay idudulot na ang katuwiran at papuri ay sumibol sa harapan ng lahat ng mga bansa.