18
Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, lumabas siya kasama ang kaniyang mga alagad sa Lambak ng Cedron, kung saan mayroong isang hardin na kaniyang pinasok, siya at ang kaniyang mga alagad. Ngayon si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang lugar, dahil madalas magpunta roon si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad. Pagkatapos, si Judas, pagkatanggap sa grupo ng mga sundalo at ang mga opisiyal mula sa mga pinunong mga pari at ng mga Pariseo, dumating roon ng may mga lampara, mga sulo at mga sandata. Pagkatapos, si Jesus, na nakaaalam ng lahat ng mga bagay na nangyayari sa kaniya, ay pumunta sa harapan at tinanong sila, “Sino ang inyong hinahanap?” Sumagot sila sa kaniya “Si Jesus ng Nazaret.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako iyon.” Si Judas, na siyang nagkanulo sa kaniya, ay nakatayo rin kasama ng mga sundalo. Kaya nang sinabi niya sa kanila, “Ako nga,” umatras sila at bumagsak sa lupa. Pagkatapos, muli niya silang tinanong, “Sino ang inyong hinahanap?” Muli nilang sinabi, “Si Jesus ng Nazaret.” Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo na ako nga siya; kaya kung ako ang inyong hinahanap, hayaan ninyong makaalis ang mga ito.” Ito ay upang matupad ang salita na kaniyang sinabi: “Sa lahat ng mga ibinigay mo sa akin, wala ni isang nawala.” 10 Pagkatapos, si Simon Pedro na may isang espada, ay hinugot ito at tinaga ang lingkod ng pinunong pari at tinapyas ang kaniyang kanang tenga. Ngayon, ang pangalan ng lingkod ay Malco. 11 Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang espada sa lalagyan nito. Ang tasa na ibinigay ng Ama sa akin, hindi ko ba ito dapat iinumin?” 12 Kaya dinakip si Jesus ng grupo ng mga sundalo, at ng kapitan, at ng mga opisiyal ng mga Judio at ginapos siya. 13 Una siyang dinala nil kay Annas, sapagkat siya ang biyenan ni Caifas na pinunong pari ng taong iyon. 14 Ngayon, si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga Judio na naaangkop na isang tao ang dapat mamatay para sa mga tao. 15 Sinundan ni Simon Pedro si Jesus, gayun din ang isa pang alagad. Ngayon, ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong pari, at siya ay pumasok kasama ni Jesus sa patyo ng pinakapunong pari; 16 ngunit nakatayo si Pedro sa pinto sa labas. Kaya ang isa pang disipulo, na kilala ng pinakapunong pari, ay lumabas at kinausap ang babaeng lingkod na nagbabantay ng pinto, at ipinasok si Pedro. 17 Pagkatapos, sinabi ng babaeng lingkod na nagbabantay sa pinto kay Pedro, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng lalaking ito?” Sinabi niya, “Hindi.” 18 Ngayon, ang mga lingkod at ang mga opisiyal ay nakatayo roon; gumawa sila ng apoy gamit ang uling, sapagkat malamig noon, at pinapainitan nila ng kanilang mga sarili. Si Pedro ay kasama rin nilang nakatayo at pinapainitan ang kaniyang sarili. 19 Tinanong ng pinakapunong pari si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad at kaniyang katuruan. 20 Sinagot siya ni Jesus, “Ako ay hayagang nagsasalita sa mundo; palagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo kung saan ang lahat ng mga Judio ay nagsasama -sama. Wala akong sinabi na palihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakapakinig sa akin tungkol sa aking sinabi. Alam ng mga taong ito ang mga bagay na aking sinabi.” 22 Nang masabi ito ni Jesus, hinampas si Jesus ng isa sa mga opisiyal na nakatayo sa malapit sa pamamagitn ng kaniyang kamay at sinabi, “Ganiyan ka ba dapat sumagot sa pinakapunong pari?” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Kung may sinabi akong anumang masama, maging saksi ka sa kasamaan. Gayunman, kung maayos akong sumagot, bakit mo ako hinampas?” 24 Pagkatapos nito pinadala ni Annas si Jesus na nakagapos kay Caifas na pinakapunong pari. 25 Ngayon si Simon Pedro ay nakatayo at pinapainitan ang kaniyang sarili. At sinabi ng mga tao sa kaniya, “Hindi ba isa ka rin sa kaniyang mga alagad? Itinanggi niya ito at sinabi, “Hindi.” 26 Ang isa sa mga lingkod ng pinakapunong pari, na kamag-anak ng lalaking tinapyas ni Pedro ang tenga, ay nagsabi, “Hindi ba nakita kita sa hardin kasama niya?” 27 At itinanggi itong muli ni Pedro, at agad-agad tumilaok ang tandang. 28 Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa Pretorio. Umagang-umaga pa noon at sila mismo ay hindi pumasok sa Pretorio upang hindi sila marumihan at upang sila ay makakain sa Paskwa. 29 Kaya lumabas si Pilato sa kanila at sinabing, “Anong paratang ang dala-dala ninyo laban sa lalaking ito?” 30 Sumagot sila at sinabi sa kaniya, “Kung ang lalaking ito ay hindi manggagawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa iyo.” 31 Kaya sinagot sila ni Pilato, “Dalhin ninyo siya, at hatulan siya ayon sa inyong batas.” Sinabi ng mga Judio sa kaniya, “Hindi naaayon sa batas para sa amin ang pumatay ng sinumang tao.” 32 Sinabi nila ito upang matupad ang mga salita ni Jesus, ang salita na kaniyang sinabi na ipinahiwatig kung anong uri ng kamatayan siya mamamatay. 33 Pagkatapos, muling pumasok si Pilato sa Pretorio at tinawag si Jesus, sinabi niya sa kaniya, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Tinatanong mo ba ito ayon sa iyong sariling palagay, o sinabi ng iba sa iyo na itanong ito sa akin? 35 Sumagot si Pilato, “Hindi ako Judio, di ba? Ang iyong sariling bayan at ang mga pinunong pari ay dinala ka dito sa akin; ano ba ang iyong ginawa?” 36 Sumagot si Jesus, “Ang aking kaharian ay hindi sa mundong ito. Kung ang aking kaharian ay kabahagi ng mundong ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Sa katunayan, ang aking kaharian ay hindi nagmumula dito.” 37 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ikaw nga ba ay isang hari?” Sumagot si Jesus, “Sinabi mo na ako ay hari. Ako ay ipinanganak para sa layuning ito, at para sa layuning ito ako naparito sa mundo upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Lahat ng kabilang sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.” 38 Sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ano ang katotohanan?” Nang masabi niya ito, lumabas siya muli sa mga Judio at sinabi sa kanila, “Wala akong nakitang krimen sa taong ito. 39 Mayroon kayong kaugalian na dapat akong magpalaya ng isang tao sa Paskwa. Kaya gusto ba ninyong pakawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 40 Sumigaw silang muli at sinabi, “Hindi ang lalaking ito, kundi si Barabas. Ngayon si Barabas ay isang tulisan.