3
Pagkatapos nito, binuksan ni Job ang kaniyang bibig at isinumpa ang araw ng kapanganakan niya. Sinabi niya, “Sana napuksa na lang ang araw na ipinanganak ako, ang gabi na binalitang 'isang sanggol na lalaki ang ipinanganak.' Sana napuno na lang ng kadiliman ang araw na iyon, huwag na sana itong maalala ng Diyos, o kaya sikatan pa ito ng araw. Sana angkinin na lang ito ng kadiliman at ng anino ng kamatayan; balutan na lang ng madilim na ulap at ang lahat na nagpapadilim sa umaga ay gawing mas kalagim-lagim. At sa gabing iyon, hayaan na lang na makapal na kadiliman ang bumalot dito: huwag na itong hayaan na magalak sa mga araw ng taon, huwag na itong paabutin sa hustong bilang ng mga buwan. Masdan mo, sana naging baog na lang ang gabing iyon, at walang masayang tinig ang narinig. Hayaan na lang na isumpa ang araw na iyon ng mga marunong gumising sa Leviatan. Hayaan na ang mga bituin sa hating-gabi ay magdilim. Hayaan na maghanap ng liwanag ang araw na iyon pero walang matagpuan, o kaya ang mga talukap ng mga mata ay huwag nang makakita ng bukang liwayway, 10 dahil hindi nito sinara ang pintuan ng sinapupunan ng aking ina, ni itinago ang kaguluhan mula sa aking mga mata. 11 Bakit hindi pa ako namatay noong ako ay lumabas sa sinapupunan? Bakit hindi ko pa isinuko ang aking espiritu noong ako ay ipinagbubuntis pa lang ng aking ina? 12 Bakit pa ako kinandong sa kaniyang mga tuhod? O tinanggap ng kaniyang didbdib para ako ay makasuso? 13 Dapat sana tahimik na akong nakahiga ngayon, nakatulog na sana ako at namamahinga 14 kasama ng mga hari at taga-payo sa lupa, na nagtayo ng mga puntod para sa kanilang mga sarili na ngayon ay gumuho na. 15 O kaya naman ay nakahiga na kasama ang mga prinsipe na minsan nang nagkaroon ng maraming ginto, na pinuno ang kanilang mga bahay ng pilak. 16 O kaya, patay na ako nang ipinanganak, tulad ng mga sanggol na hindi na nasilayan ang liwanag. 17 Sa lugar na iyon, ang mga masasama ay wala nang kaguluhan, at ang mga pagod ay nakakapagpahinga. 18 Na kung saan ang mga bilanggo ay nagkakasundo, hindi na nila maririnig ang boses ng mga tagapamahala sa kanila. 19 Ang mga karaniwan at mga tanyag na tao ay naroroon, ang lingkod doon ay malaya mula sa kayang amo. 20 Bakit pa ibinigay ang liwanag sa isang taong naghihirap, bakit pa ibinigay ang buhay sa taong ang kaluluwa ay puno ng pait; 21 ang taong gusto nang mamatay pero hindi mamatay-matay, ang taong naghahanap ng kamatayan higit pa sa paghahanap ng kayamanan? 22 Bakit pa ibinigay ang liwanag sa isang taong lubos na masaya at nagagalak kung hinahanap naman niya ay libingan? 23 Bakit ibinibigay ang liwanag sa isang taong inililihim ang kaniyang pamamaraan, isang tao kung saan naglagay ang Diyos ng mga bakod? 24 Dahil mas nangyayari ang aking hikbi kaysa kumain; ang aking panaghoy ay ibinubuhos na parang tubig. 25 Dahil ang bagay na kinatatakutan ko ay dumating na sa akin; kung ano ang ikinatatakot ko ay narito na. 26 Wala akong kaginhawaan, katahimikan at kapahingahan bagkus ang dumating sa akin ay kabalisahan.