19
Pagkatapos sumagot si Job at sinabi, “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan at babasagin ng pira-piraso na may mga salita? Sampung beses ninyo na akong pinagsasabihan; hindi kayo nahihiya na pinagmamalupitan ninyo ako. Kung totoo nga na nagkasala ako, mananatiling panagutan ko ang aking pagkakamali. Kung totoo nga na magmamalaki kayo laban sa akin at mapaniwala ang lahat ng mga tao na nagkasala ako, kung gayon dapat alam ninyo na ginawan ako ng mali ng Diyos at nahuli ako sa kaniyang lambat. Tingnan ninyo, sumisigaw ako na ginawan ako ng mali, pero hindi ako narinig; nanawagan ako ng tulong, pero walang katarungan. Pinaderan niya ang aking daanan para hindi ako makatawid, at pinadilim niya ang aking nilalakaran. Hinubad niya ang aking karangalan, at kinuha niya ang korona mula sa ulo ko. 10 Giniba niya ako sa bawat dako, at naglaho na ako; binunot niya ang aking mga pag-asa katulad ng isang puno. 11 Pinasiklab din niya ang kaniyang galit laban sa akin; tinuturing niya ako bilang isa sa kaniyang mga kaaway. 12 Nagtitipon ang mga hukbo niya, nagtayo sila ng tungtungan na panlusob laban sa akin at nagkampo sa paligid ng aking tolda. 13 Nilayo niya mula sa akin ang mga kapatid ko, nilayo niya ako mula sa aking mga kakilala. 14 Binigo ako ng aking mga kamag-anak; kinalimutan na ako ng malapit kong mga kaibigan. 15 Ang mga taong minsang tumuloy sa bahay ko bilang panauhin pati na ang mga lingkod kong babae ay itinuring akong ibang tao; isa akong dayuhan sa paningin nila. 16 Nananawagan ako sa aking lingkod, pero hindi niya ako tinutugon kahit na nagmamakaawa ako sa pamamagitan ng aking bibig. 17 Nakasusulasok sa asawa ko ang aking paghinga; nakapandidiri ang aking panawagan sa sariling kong mga kapatid na lalaki at babae. 18 Kahit ang mga bata ay kinasusuklaman ako; kung babangon ako para magsalita, pinagsasalitaan nila ako. 19 Kinamumuhian ako ng lahat ng aking mga kaibigan; tinalikuran ako ng lahat ng mga minamahal ko. 20 Nakakapit ang mga buto ko sa aking balat at laman; buto't balat na lamang ang natitira sa akin. 21 Maawa kayo sa akin, maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil hinawakan ako ng kamay ng Diyos. Bakit ninyo ako inaapi na parang kayo ang Diyos? 22 Bakit hindi pa kayo nasisiyahan sa pag-ubos ng laman ko? 23 O, sana ay maisulat na ngayon ang mga sinasabi ko! O, sana maitala sa aklat ang mga ito! 24 O, sana ay magpakailanmang maiukit ito ng bakal na panulat at tingga sa isang bato! 25 Pero para sa akin, alam ko na nabubuhay ang aking Manunubos, at balang araw ay tatayo siya sa daigdig; 26 pagkatapos mawasak ang balat ko, iyon ay, ang aking katawan, saka makikita ko ang Diyos sa aking pangangatawan. 27 Makikita ko siya, ako mismo ang makakakita sa kaniya sa aking tabi; makikita siya ng aking mga mata, at hindi bilang isang dayuhan. Bibigay ang lamang-loob ko. 28 Kung sinasabi ninyo, 'Paano natin siya pahihirapan! Nasa kaniya ang ugat ng kaniyang mga kaguluhan', 29 matakot kayo sa espada, dahil ang poot ang nagdadala ng kaparusahan ng espada, para malaman ninyo na mayroong paghahatol.”