30
Ngayon ang mga mas nakababata sa akin ay walang maidulot kundi pangungnutya sa akin - ang mga kabataang lalaking ito na ang mga ama ay gusto kong tanggihang magtrabaho katabi ng mga aso sa aking kawan. Tunay nga, ang lakas ng mga kamay ng kanilang mga ama - paano nito ako matutulungan - mga lalaki na kung saan ang lakas ng kanilang kaganapan sa gulang ay naglaho na? Sila ay mga payat dahil sa kahirapan at kagutuman, ngumangatngat sila sa tuyong lupa sa kadiliman ng ilang at kapanglawan. Namitas sila ng halaman ng soltwot at mga dahon ng palumpong; ang mga ugat ng puno ng tambo ang kanilang pagkain. Pinalayas sila mula sa mga tao na sumigaw sa kanila na parang isang tao na sinisigawan ang isang magnanakaw. Kaya kinailangan nilang manirahan sa ilog lambak, sa mga lungga ng lupa at ng mga bato. Sa mga palumpong, umungal sila tulad ng mga asno; sa ilalim ng mga palumpong nagtitipon-tipon sila. Sila ay mga inapo ng mga hangal; tunay nga, na walang kwentang mga tao; pinalayas sila sa lupain sa pamamagitan ng mga pamalo. Pero ngayon, para sa kanilang mga anak, naging paksa ako ng isang kanta ng pangungutya; tunay nga, naging isang katatawanan ako sa kanila. 10 Kinasusuklaman nila ako at hindi lumalapit sa akin; hindi sila nag-aatubiling dumura sa aking mukha. 11 Dahil tinanggal ng Diyos ang lubid ng aking pana at pinahirapan ako, kaya sa harapan ko ay nawawala ang lahat ng pagpipigil sa sarili ng mga taong ito. 12 Sa aking kanang kamay naghimagsik ang magulong pulutong ng mga tao; itinaboy nila ako at itinambak laban sa akin ang kanilang punso ng paglusob. 13 Sinisira nila ang aking landas; Itinutulak nila ang kapahamakan para sa akin, mga lalaki na walang sinumang makapipigil. 14 Sinasalakay nila ako tulad ng isang hukbo sa pamamagitan ng isang malaking butas sa pader ng lungsod; sa gitna ng pagkawasak gumulong sila sa akin. 15 Nilukuban ako ng malaking takot; itinaboy ang aking karangalan na parang ng hangin; naglaho ang aking kasaganaan na parang isang ulap. 16 Ngayon ang buhay ko ay ibinubuhos mula sa akin. Hinawakan ako ng maraming araw ng pagdurusa. 17 Sa gabi sinasaksak ang aking mga buto sa loob ng aking katawan; ang mga sakit na nagpapahirap sa akin ay walang kapahingahan. 18 Hinablot ng malakas na pwersa ng Diyos ang aking kasuotan; binalutan ako nito tulad ng kwelyo ng aking tunika. 19 Inihagis niya ako sa putik; Naging tulad ako ng alabok at mga abo. 20 Umiiyak ako sa iyo, Diyos, pero hindi mo ako sinasagot; tumatayo ako pero tinitingnan mo lang ako. 21 Nagbago ka na at naging malupit sa akin; sa kapangyarihan ng iyong kamay ay pinapahirapan mo ako. 22 Itinaas mo ako sa hangin at dinulot na tangayin ako nito; tinutunaw mo ako sa bagyo. 23 Dahil alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan, sa bahay na nakatadhana para sa lahat ng mga buhay na bagay. 24 Pero, wala bang umaabot ng kaniyang kamay para humingi ng tulong kapag siya ay bumabagsak? Wala bang nasa kaguluhan na nagmakaawa para sa tulong? 25 Hindi ba ako umiyak para sa kaniya na nasa kaguluhan? Hindi ba ako nagdalamhati para sa taong nangangailangan? 26 Nang naghanap ako ng kabutihan, ang dumating ay kasamaan; nang ako ay naghintay para sa liwanag, sa halip ay dumating ang kadiliman. 27 Naguguluhan ang aking puso at hindi nagpapahinga; mga araw ng dalamhati ang dumating sa akin. 28 Patuloy na nangingitim ang aking balat hindi dahil sa araw; tumatayo ako sa kapulungan at humihingi ng tulong. 29 Ako ay kapatid ng asong gubat, isang kasama ng mga ostrich. 30 Maitim ang aking balat at natutuklap; nasunog sa init ang aking mga buto. 31 Kaya ang aking alpa ay nakatono para sa mga kanta ng pagluluksa, ang aking plauta para sa pagkanta ng mga nananaghoy.