33
Kaya ngayon Job, nagmamakaawa ako sa iyo, pakinggan ang aking sasabihin; makinig ka sa lahat ng aking mga salita. Tingnan mo ngayon, binuksan ko ang aking bibig; nagsalita na ang aking dila sa aking bibig. Mga salita ko'y magsasabi ng pagkamatapat ng aking puso; kung ano ang alam ng aking mga labi, matapat silang magsasabi sa iyo. Ang Espiritu ng Diyos ang gumawa sa akin; ang hininga ng Makapangyarihan ang nagbigay buhay sa akin. Kung kaya mo, sagutin mo ako; ihanda mo ang iyong sasabihin sa harap ko at tumayo ka. Tingnan mo, matuwid din ako tulad mo sa paningin ng Diyos; hinulma din ako mula sa luwad. Tingnan mo, hindi ka matatakot sa akin; maging ang aking presensya ay hindi rin magiging mabigat sa iyo. Sa aking pandinig tiyak kang nagsalita; narinig ko ang tunog ng iyong mga salita na nagsasabi, “Malinis ako at walang pagkakasala; ako ay inosente, at ako ay walang kasalanan. 10 Tingnan mo, naghanap ng pagkakataon ang Diyos na lusubin ako; tinuring niya akong kaaway. 11 Ginapos niya ang aking mga paa sa mga kahoy na posas; tinitingnan niya lahat ng aking daraanan. 12 Tingnan mo, sasagutin kita; nagkakamali ka sa pagsasabi nito, dahil ang Diyos ay mas higit kaysa sa tao. 13 Bakit ka nakikibaka sa kaniya? Hindi niya kailangan ipaliwanag ang lahat ng kaniyang mga ginagawa. 14 Minsan nang nagsalita ang Diyos - oo, dalawang beses, bagama't hindi ito napapansin ng tao. 15 Sa panaginip, sa pangitain sa gabi, kapag mahimbing na natulog ang mga tao ay dumating, sa pagkakatulog sa higaan - 16 pagkatapos binubuksan ng Diyos ang mga tainga ng tao, at tatakutin sila ng mga banta, 17 para hilahin sila mula sa kaniyang makasalanang mga layunin, at ilayo ang kayabangan sa kaniya. 18 Nilalayo ng Diyos ang buhay ng tao mula sa hukay, ang buhay niya mula sa pagtawid sa kamatayan. 19 Pinarurusahan din ang tao ng may kirot sa kaniyang higaan, na may patuloy na paghihirap sa kaniyang mga buto, 20 para mapoot ang kaniyang buhay sa pagkain, at mapoot ang kaniyang kaluluwa sa masasarap na pagkain. 21 Inubos ang kaniyang laman para hindi na ito makita; ang kaniyang mga buto na minsan ay hindi na nakikita, ngayon ay nakalitaw na. 22 Sa katunayan, nalalapit na sa hukay ang kaniyang kaluluwa, ang kaniyang buhay sa mga humihiling na wasakin ito. 23 Pero kung mayroong lamang na anghel na maaaring mamagitan para sa kaniya, isang tagapamagitan mula sa libi-libong mga anghel, para ipakita kung ano ang tamang gawin, 24 at kung ang anghel ay mabait sa kaniya at sasabihin sa Diyos na, “Iligtas mo ang taong ito mula sa pagbaba sa hukay; nakahanap ako ng pangtubos para sa kaniya, 25 pagkatapos ang kaniyang laman ay magiging mas sariwa kaysa sa isang bata; babalik siya sa mga araw ng kalakasan ng kaniyang kabataan. 26 Mananalangin siya, at magiging mabait ang Diyos sa kaniya, para makita niya ang mukha ng Diyos nang may kasiyahan at bibigyan siya ng tagumpay. 27 Pagkatapos aawit ang taong iyon sa harap ng mga tao at sasabihin, “Nagkasala ako at binaluktot kung alin ang tama, pero hindi pinarusahan ang aking kasalanan. 28 Iniligtas ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa pagpunta sa hukay; patuloy na makikita ng aking buhay ang liwanag.' 29 Tingnan mo, ginawang lahat ito ng Diyos sa isang tao, dalawang beses, oo, kahit tatlong beses pa, 30 para makuha ang kaniyang kaluluwa mula sa hukay, kaya maliliwanagan siya nang liwanag ng buhay. 31 Bigyang-pansin mo ito Job, at makinig ka sa akin; tumahimik ka at magsasalita ako. 32 Kung may sasabihin ka, sagutin mo ako; magsalita ka, dahil hiling ko na mapatunayan na ikaw ay nasa tama. 33 Kung hindi, makinig ka sa akin; manatili kang tahimik, at tuturuan kita ng karunungan.”