10
1 Kumuha ng kani-kaniyang insensaryo sina Nadab at Abihu na mga anak ni Aaron, nilagyan ito ng apoy at saka insenso. Pagkatapos naghandog sila ng hindi karapat-dapat na apoy sa harapan ni Yahweh na hindi niya iniutos sa kanila na ihandog. 2 Kaya lumabas ang apoy mula sa harapan ni Yahweh at sila ay nilamon at namatay sa harapan ni Yahweh. 3 Pagkatapos sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang tinutukoy ni Yahweh nang sinabi niyang, 'Ihahayag ko ang aking kabanalan sa sinumang lalapit sa akin. Luluwalhatiin ako sa harapan ng lahat ng mga tao.'” Walang kahit anong sinabi si Aaron. 4 Tinawag ni Moises sina Misael at Elzafan na mga anak na lalaki ni Uziel na tiyuhin ni Aaron at sinabi sa kanilang, “Halikayo rito at dalhin ang inyong mga kapatid palabas ng kampo mula sa tabernakulo.” 5 Kaya lumapit sila at binuhat sila, na suot pa rin ang kanilang pang paring tunika, palabas ng kampo ayon sa iniutos ni Moises. 6 Pagkatapos sinabi ni Moises kay Aaron at kay Eleazar at kay Itamar na kaniyang mga anak na lalaki, “Huwag ninyong hayaan ang buhok sa inyong mga ulo na nakalugay, at huwag punitin ang inyong mga damit, para hindi kayo mamatay at para hindi mapoot si Yahweh sa buong kapulungan. Pero hayaan ninyo ang inyong mga kamag-anak, ang buong bahay ng Israel ang magluksa para sa mga sinunog ng apoy ni Yahweh. 7 Hindi kayo maaaring lumabas mula sa pasukan ng tolda ng pagpupulong o kayo ay mamamatay, dahil ang pambasbas na langis ni Yahweh ay nasa inyo.” Kaya sumunod sila ayon sa mga iniutos ni Moises. 8 Nangusap si Yahweh kay Aaron, sinabing, 9 “Huwag uminom ng alak o matapang na inumin, ikaw, ni ang iyong mga anak na lalaki na natitirang kasama mo, para kapag pumasok ka sa tolda ng pagpupulong hindi kayo mamatay. Ito ay permanenteng batas sa buong salinlahi ng iyong mga mamamayan, 10 para maibukod ang banal sa pangkaraniwan, at ang marumi sa malinis, 11 para maituro mo sa mga mamamayan ng Israel ang lahat ng batas na iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.” 12 Nakipag-usap si Moises kay Aaron at kay Eleazar at kay Itamar, na kaniyang natitirang mga anak na lalaki, “Kunin ang mga handog na pagkaing butil na natira mula sa mga handog kay Yahweh na ginawa sa pamamagitan ng apoy, at kainin ito nang walang pampaalsa sa tabi ng altar, dahil ito ang pinakabanal. 13 Dapat ninyong kainin ito sa isang banal na lugar, dahil ito ay bahaging para sa iyo at bahagi ng iyong mga anak na lalaki sa mga handog para kay Yahweh na ginawa sa pamamagitan ng apoy, dahil ito ang iniutos sa akin na sabihin sa inyo. 14 Ang dibdib na itinaas bilang handog at ang hita na idinulog kay Yahweh—ang mga ito ay dapat ninyong kainin sa isang malinis na lugar na katanggap-tanggap sa Diyos. Dapat kainin mo at ng iyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ang mga bahaging iyon, dahil ibinigay ang mga iyon bilang iyong bahagi at bahagi ng iyong mga anak na lalaki mula sa mga alay ng handog sa pagtitipon-tipon ng bayan ng Israel. 15 Ang hita na isang handog na inialay kay Yahweh at ang dibdib na bahagi na itinaas bilang isang handog—dapat nilang dalhin ang mga iyon kasama ng mga handog na taba na ginawa sa pamamagitan ng apoy, para itaas ang mga ito at idulog bilang isang handog kay Yahweh. Magiging sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki na kasama mo ang mga ito bilang isang bahagi magpakailanman ayon sa iniutos ni Yahweh.” 16 Pagkatapos tinanong ni Moises ang tungkol sa kambing na handog para sa kasalanan, at nalaman na ito ay nasunog na. Kaya nagalit siya kina Eleazar at Itamar, ang mga natitirang anak na lalaki ni Aaron; sinabi niya, 17 “Bakit hindi ninyo kinain ang handog para sa kasalanan sa lugar ng tabernakulo, yamang ito ang pinakabanal, at ibinigay ito ni Yahweh para maalis ang kasalanan ng buong kapulungan, na maging kabayaran para sa kanilang kasalanan sa kaniyang harapan? 18 Tingnan ninyo, ang dugo nito ay hindi dinala sa loob ng tabernakulo, kaya dapat talagang kinain ninyo ito sa lugar ng tabernakulo, ayon sa iniutos ko.” 19 Pagkatapos sumagot si Aaron kay Moises, “Tingnan mo, ngayon ginawa nila ang kanilang handog para sa kasalanan at handog na susunugin sa harapan ni Yahweh, at ang bagay na ito ay nangyari sa akin ngayon. Kung kinain ko ang handog para sa kasalanan ngayon, magiging kaaya-aya ba ito sa paningin ni Yahweh?” 20 Nang marinig iyon ni Moises, siya ay nasiyahan.