8
Ang lahat ng tao ay nagtipon-tipon para sa isang layunin sa liwasan sa harap ng Tarangkahan ng Tubig. Sinabi nila kay Ezra, ang eskriba na dalhin ang Aklat na Batas ni Moises, na iniutos ni Yahweh sa Israel. Sa unang araw ng ika-pitong buwan, si Ezra, ang pari ay dinala ang batas sa harap ng pagpupulong, sa kapwa mga lalaki at babae, at sa lahat ng nakakarinig at nakakaunawa. Humarap siya sa liwasan sa harap ng Tarangkahan ng Tubig, at binasa niya ito mula umaga hanggang tanghali, sa harap ng mga lalaki at babae, at sinumang nakauunawa. At ang lahat ng tao ay nakinig nang masigasig sa Aklat ng Batas. At si Ezra, ang eskriba ay tumayo sa isang mataas na entabladong kahoy na ginawa ng mga tao para sa layuning iyon. Ang mga nakatayo sa kaniyang tabi ay sina Matanias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias, at Maaseias, sa kaniyang kanan; at Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam ay nakatayo sa kaniyang kaliwa. Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng lahat ng mga tao, dahil siya ay nakatayo nang mataas sa mga tao, at nang binuksan niya ito, ang lahat ng tao ay tumayo. Si Ezra ay nagbigay ng pasasalamat kay Yahweh, ang dakilang Diyos, at lahat ng mga tao ay itinaas ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen!” Pagkatapos, iniyuko nila ang kanilang mga ulo at sumamba kay Yahweh na nakasayad ang kanilang mukha sa lupa. Maging sila Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan, Pelaias at ang mga Levita ay tumulong sa mga tao na maintindihan ang batas, habang ang mga tao ay nanatili sa kanilang lugar. At kanilang binasa ang aklat, ang batas ng Diyos, pinapaliwanag nang malinaw at binibigyan ng kahulugan para maintindihan nila ang binabasa. Sinabi nina Nehemias, ang gobernador, at si Ezra, ang pari at eskriba, at ang mga Levita na nagbibigay-kahulugan sa mga tao sa kanila, “Ang araw na ito ay banal kay Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong mamighati at umiyak.” Dahil ang lahat ng tao ay umiyak nang marinig nila ang mga salita ng batas. 10 Pagkatapos, sinabi ni Nehemias sa kanila, “Humayo na kayo, kainin ninyo ang taba at kumuha kayo ng matamis na maiinom, at ipadala ang ilan nito sa mga walang naihanda, dahil ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon. Huwag kayong magdalamhati, dahil ang kagalakan ni Yahweh ang inyong lakas.” 11 Kaya pinatahimik ng mga Levita ang mga tao, na sinasabing, “Tumahimik kayo! Dahil ang araw na ito ay banal. Huwag kayong magdalamhati.” 12 At lahat ng tao ay humayo para kumain, uminom, magbahagi ng pagkain at magdiwang ng may matinding kagalakan dahil naunawaan nila ang mga salitang ipinahayag sa kanila. 13 Sa ikalawang araw ang mga pinuno ng mga pamilya ng kanilang mga ninuno mula sa lahat ng tao, ang mga pari at mga Levita, ay nagpunta nang sama-sama kay Ezra, ang eskriba para makatanggap ng kaalaman mula sa mga salita ng batas. 14 At kanilang natagpuan na nakasulat sa batas kung paano iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises na ang bayan ng Israel ay kailangan manirahan sa mga kubol sa panahon ng kapistahan sa ikapitong buwan. 15 Kailangan nilang gumawa ng isang panukala sa lahat ng kanilang mga lungsod, at sa Jerusalem, na nagsasabing, “Pumunta kayo sa burol, at magdala kayo ng mga sanga pabalik mula sa mga puno ng olibo at ligaw na olibo, at mula sa mirto, mga palma at mayabong na mga puno, para gumawa ng pansamantalang bahay, katulad nang nasusulat.” 16 Kaya ang mga tao ay pumunta at nagdala ng mga sanga pabalik at ginawan nila ang kanilang mga sarili ng kubol, bawat isa sa kanilang mga bubong, sa kanilang mga patyo, sa mga hukuman ng bahay ng Diyos, sa bukas na lugar sa Tarangkahan ng Tubig, at sa bukas na lugar sa Tarangkahan ng Efraim. 17 At lahat ng kapulungan ng mga bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol at tumira doon. Dahil simula noong mga araw ni Josue, anak na lalaki ni Nun, hanggang sa araw na iyon, ang bayan ng Israel ay hindi ipinagdiwang ang kapistahang ito. At ang kagalakan nila ay lubos-lubos. 18 Gayundin araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huli, si Ezra ay nagbasa mula sa Aklat ng Batas ng Diyos. Pinanatili nila ang kapistahan nang pitong araw at sa ikawalong araw ay isang taimtim na pagpupulong, bilang pagsunod sa kautusan.