13
Nang araw na iyon binasa nila ang Aklat ni Moises na naririnig ng mga tao. Natuklasan nila na nakasulat doon na walang Ammonita o Moabita ang dapat sumali sa kapulungan ng Diyos, magpakailanman. Ito ay dahil hindi sila lumapit sa mga mamamayan ng Israel nang may tinapay at tubig, sa halip binayaran nila si Balaam para sumpain ang Israel. Gayumpaman, ginawa ng ating Diyos na isang pagpapala ang sumpa. Nang narinig nila ang Batas, pinaalis nila mula sa Israel ang bawat dayuhan. Bago nito, si Eliasib na pari ay itinalaga sa mga imbakan ng tahanan ng ating Diyos. Siya ay kamag-anak ni Tobias. Naghanda si Eliasib ng isang malaking imbakan para kay Tobias, kung saan pinaglalagyan dati ng mga handog na pagkaing butil, ng insenso, mga kagamitan, at ng mga ikapu ng butil, bagong alak, at ng langis, na itinalaga para sa mga Levita, mga mang-aawit, mga tagapagbantay ng tarangkahan, at ang mga ambag para sa mga pari. Pero wala ako sa Jerusalem nang mga panahong ito. Dahil pumunta ako sa hari ng Babilonia na si Artaxerxes sa kaniyang ika-tatlumpu't dalawang taon. Pagkatapos ng ilang panahon ay humingi ako ng pahintulot sa hari para umalis, at bumalik ako sa Jerusalem. Nabatid ko ang kasamaan na ginawa ni Eliasib sa pagbibigay kay Tobias ng isang imbakan sa patyo ng bahay ng Diyos. Nagalit ako nang lubos at itinapon ko ang lahat ng mga kagamitan sa bahay ni Tobias palabas ng imbakan. Iniutos ko na gawin nilang dalisay ang mga imbakan, at ibinalik ko sa loob ng mga ito ang mga kagamitan sa tahanan ng Diyos, ang mga handog na pagkaing butil, at ang insenso. 10 At nalaman ko na ang mga bahaging nakatakda para sa mga Levita ay hindi naibigay sa kanila, kaya naman mabilis nilang nilisan ang templo, ang bawat isa sa kani-kaniyang bukid, tulad din ng ginawa ng mga mang-aawit. 11 Kaya hinarap ko ang mga opisyales at sinabi, “Bakit napabayaan ang bahay ng Diyos?” Tinipon ko sila at inilagay sila sa kanilang mga puwesto. 12 Pagkatapos, dinala ng buong Juda ang ikapu ng butil, ng bagong alak, at ng langis sa mga imbakan. 13 Itinalaga ko bilang mga tagapag-ingat yaman sa mga kamalig na imbakan si Selemias, ang pari, at si Sadoc, ang eskriba, at mula sa mga Levita, si Pedaias. Sunod sa kanila ay si Hanan na anak ni Zacur na anak ni Matanias, dahil itinuring silang mapagkakatiwalaan. Ang kanilang mga tungkulin ay ang ibigay ang mga panustos sa kanilang mga kasamahan. 14 Alalahanin mo ako, aking Diyos, tungkol dito, at huwag niyo ng burahin ang mga ginawa kong magaganda para sa tahanan ng aking Diyos at ang mga pakinabang nito. 15 Sa mga araw na iyon nakita ko sa Juda ang mga taong umaapak sa mga pigaan ng ubas sa Araw ng Pamamahinga at nagpapasok ng mga tumpok ng butil at isinasakay ang mga ito sa mga asno, at pati alak, mga ubas, mga igos, at lahat ng uri ng mga mabibigat na pasanin, na dinala nila sa Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga. Tinutulan ko sila sa pagtitinda ng pagkain sa araw na iyon. 16 Ang mga lalaking mula sa Tiro na nakatira sa Jerusalem ay nagdala ng mga isda at lahat ng uri ng mga kalakal, at itininda nila ang mga iyon sa Araw ng Pamamahinga sa mga mamamayan ng Juda at sa lungsod! 17 Kaya hinarap ko ang mga pinuno ng Juda, “Ano itong masamang bagay na inyong ginagawa, nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga? 18 Hindi ba ito ang ginawa ng inyong mga ama? At hindi ba nagdala ang ating Diyos ng lahat ng kasamaang ito sa atin at sa lungsod na ito? Ngayon nagdadala kayo ng mas higit pang poot sa Israel dahil sa paglalapastangan ng Araw ng Pamamahinga.” 19 Nang dumilim na sa mga tarangkahan ng Jerusalem bago ang Araw ng Pamamahinga, iniutos ko na ang mga pinto ay isara at hindi dapat buksan ang mga ito hanggang sa matapos ang Araw ng Pamamahinga. Inilagay ko ang ilan sa aking mga lingkod sa mga tarangkahan para walang kargada ang maipasok sa Araw ng Pamamahinga. 20 Ang mga mangangalakal at tagapagtinda ng lahat ng uri ng paninda ay nanatili sa labas ng Jerusalem ng isa o dalawang beses. 21 Pero binalaan ko sila, “Bakit kayo nananatili sa labas ng pader? Kung uulitin niyo iyan, pagbubuhatan ko kayo ng kamay!” Mula nang panahong iyon hindi na sila pumunta sa Araw ng Pamamahinga. 22 At inutusan ko ang mga Levita na gawing dalisay ang kanilang mga sarili, at lumapit at bantayan ang mga tarangkahan, para gawing banal ang Araw ng Pamamahinga. Alalahanin mo rin ako dahil dito, aking Diyos, at kaawaan mo ako dahil sa katapatan ng pangako mo na mayroon ka para sa akin. 23 Sa mga araw na iyon nakita ko rin ang mga Judio na nag-asawa ng mga babae mula sa Asdod, Ammon, at Moab. 24 Kalahati sa kanilang mga anak ang nakakapagsalita ng wika ng Asdod, pero hindi sila makapagsalita ng wika ng Juda, liban sa isang wika ng ibang mga bansa. 25 Kaya hinarap ko sila, at isinumpa, at sinaktan ko ang iba sa kanila at sinabunutan ko sila. Pinasumpa ko sila sa Diyos, na nagsasabing, “Hindi niyo dapat ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, o kunin ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, o para sa inyong mga sarili. 26 Hindi ba si Solomon na hari ng Israel ay nagkasala nang dahil sa mga babaeng ito? Sa maraming mga bansa walang haring tulad niya, at siya ay minahal ng kaniyang Diyos. At ginawa siya ng Diyos na hari ng buong Israel. Gayunpaman, ang kaniyang mga dayuhang asawa ang nagtulak sa kaniyang magkasala. 27 Dapat nga ba kaming makinig sa inyo at gawin ang lahat ng malaking kasamaang ito, at kumilos ng may pagtataksil laban sa ating Diyos sa pamamagitan ng pag-aasawa ng mga dayuhang babae?” 28 Isa sa mga anak ni Joiada anak ni Eliasib na punong pari ay manugang na lalaki ni Sanbalat ang Horonita. Kaya, inalis ko siya sa aking presensya. 29 Alalahanin mo ang mga ito, aking Diyos, dahil sa nilapastangan nila ang kaparian, at ang tipan ng kaparian at ang mga Levita. 30 Kaya nilinis ko sila mula sa lahat ng dayuhan, at itinatag ang mga tungkulin ng mga pari at ng mga Levita, bawat isa sa kani-kanyang mga tungkulin. 31 Naglaan ako para sa handog ng mga kahoy sa itinakdang mga oras at para sa mga unang bunga. Alalahanin niyo ako, aking Diyos, magpakailanman.