22
1 Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit napakalayo mo mula sa pagliligtas sa akin at malayo mula sa mga salita ng aking paghihirap? 2 Diyos ko, maghapon akong nananawagan sa iyo, pero hindi ka sumasagot, at maging sa gabi ako ay walang katahimikan! 3 Pero ikaw ay banal; ikaw ay nakaupo bilang hari kasama ang mga papuri ng Israel. 4 Ang aming mga ninuno ay nagtiwala sa iyo; nagtiwala sila sa iyo at sila ay niligtas mo. 5 Dumaing sila sa iyo at sila ay niligtas mo. Nagtiwala sila sa iyo at hindi sila nabigo. 6 Pero ako ay parang isang uod at hindi isang tao, isang kahihiyan sa sangkatauhan at pinagtatawanan ng mga tao. 7 Silang lahat na nakakakita sa akin ay kinukutya ako; hinahamak nila ako; ang kanilang mga ulo ay napapailing sa akin. 8 Sinasabi nila, “Nagtitiwala siya kay Yahweh, hayaan natin na iligtas siya ni Yahweh. Hayaan natin na sagipin siya ni Yahweh, dahil nalulugod siya sa kaniya.” 9 Dahil kinuha mo ako mula sa sinapupunan; hinayaan mong magtiwala ako sa iyo habang ako ay nasa dibdib ng aking ina. 10 Ipinagkatiwala na ako sa iyo mula pa sa sinapupunan; ikaw ang aking Diyos simula pa ng ako ay nasa sinapupunan ng aking ina! 11 Huwag kang lumayo mula sa akin dahil malapit lang ang kaguluhan; walang sinuman ang tutulong. 12 Pinaliligiran ako ng maraming mga toro; pinapaligiran ako ng malalakas na mga toro ng Bashan. 13 Binubuksan nila ang kanilang bibig para sa akin na parang isang umaatungal na leon na niluluray ang kaniyang biktima. 14 Ako ay parang natapong tubig, at lahat ng aking mga buto ay nalinsad. Ang aking puso ay tulad ng pagkit; natutunaw ito sa kaloob-loobang bahagi ko. 15 Ang aking lakas ay parang natuyong piraso ng palayukan; ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala. Inilagay mo ako sa alabok ng kamatayan. 16 Dahil pinapaligiran ako ng mga aso; napalibutan ako ng samahan na mga mapaggawa ng masama; tinusok nila ang aking mga kamay at mga paa. 17 Nabibilang ko na ang aking mga buto. Tumitingin at tumititig sila sa akin. 18 Pinaghahatian nila ang aking mga kasuotan sa kanilang mga sarili, pinagpipilian nila ang aking mga damit. 19 Huwag kang lumayo, Yahweh; hinihiling kong magmadali ka para tulungan ako, aking kalakasan! 20 Iligtas mo ang aking kaluluwa mula sa espada, ang tanging buhay ko mula sa mga kuko ng mabangis na mga aso. 21 Iligtas mo ako mula sa bibig ng leon; iligtas mo ako mula sa mga sungay ng mababangis na toro. 22 Ihahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita. 23 Kayo na may takot kay Yahweh, purihin siya! Kayong lahat na mga kaapu-apuhan ni Jacob, parangalan siya! Ipakita niyo ang inyong pagkamangha sa kaniya, kayong lahat na mga kaapu-apuhan ng Israel! 24 Dahil hindi niya hinamak o pinabayaan ang pagdurusa ng naghihirap; hindi tinago ni Yahweh ang kaniyang mukha mula sa kaniya; nang umiyak ang naghihirap sa kaniya, dininig niya. 25 Ang aking pagpupuri ay dahil sa iyo sa gitna ng napakalaking kapulungan; tutuparin ko ang aking mga panata sa harap nilang may takot sa kaniya. 26 Ang mga naaapi ay makakakain at mabubusog; sila na naghahanap kay Yahweh ay magpupuri sa kaniya. Nawa ang inyong mga puso ay mabuhay magpakailanman. 27 Ang lahat ng mga tao sa lupa ay aalalahanin at babalik kay Yahweh; lahat ng mga pamilya ng mga bansa ay luluhod sa iyong harapan. 28 Dahil ang kaharian ay kay Yahweh; siya ang namumuno sa mga bansa. 29 Lahat ng mga mayayaman sa lupa ay magpipista at sasamba; silang lahat na mapupunta sa alabok ay luluhod sa harapan niya, sila na hindi kayang panatilihin ang kanilang sariling buhay. 30 Ang isang salinlahi ay darating para siya ay paglingkuran; sasabihin nila sa susunod na salinlahi ang tungkol sa Panginoon. 31 Darating sila at ipapahayag ang kaniyang katuwiran; ipamamalita nila sa mga taong hindi pa naipapanganak kung ano ang kaniyang nagawa!