51
1 Kaawaan mo ako, Diyos, dahil sa iyong katapatan sa tipan; alang-alang sa iyong mga maawaing gawa, burahin mo ang aking mga kasalanan. 2 Mula sa aking mabigat na pagkakasala ako ay hugasan mo nang lubusan at linisin ako mula sa aking kasalanan. 3 Dahil alam ko ang aking mga paglabag, at laging naaalala ang aking kasalanan. 4 Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala at sa iyong paningin ginawa kung ano ang napakasama; matuwid ka kapag nagsasalita; tama ka kapag humahatol. 5 Masdan mo, ako ay isinilang sa malaking kasalanan; nang ipinagdadalang-tao ako ng aking ina, ako ay naroon na sa kasalanan. 6 Masdan mo, sa aking puso ang ninanais mo ay ang pagiging-mapagkakatiwalaan; sa aking puso ipaaalam mo ang karunungan. 7 Dalisayin mo ako ng isopo, at ako ay magiging malinis; hugasan mo ako at magiging mas maputi ako kaysa niyebe. 8 Iparinig mo sa akin ang kasiyahan at kagalakan para magsaya ang mga buto na iyong binali. 9 Itago mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan at pawiin ang lahat ng mga nagawa kong kasamaan. 10 Likhain mo sa akin ang isang malinis na puso, Diyos, at ipanumbalik sa akin ang isang matuwid na espiritu. 11 Sa iyong presensiya huwag mo akong paalisin, at huwag alisin ang iyong Banal na Espiritu mula sa akin. 12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas, at pagkalooban mo ako ng espiritung handang sumunod. 13 Pagkatapos ituturo ko sa mga lumalabag sa iyong mga utos ang iyong mga pamamaraan, at magbabalik-loob sa iyo ang mga makasalanan. 14 Patawarin mo ako dahil sa pagdadanak ng dugo, Diyos ng aking kaligtasan, at sisigaw ako nang buong kagalakan sa iyong katuwiran. 15 Panginoon, buksan mo ang aking mga labi, at ipahahayag ng aking bibig ang iyong kapurihan. 16 Pero hindi ka nagagalak sa alay, kundi ito ay aking ibibigay; sa mga sinunog na handog hindi ka nasisiyahan. 17 Ang mga alay na karapat-dapat sa Diyos ay isang basag na kalooban. Hindi mo hahamakin, O Diyos, ang isang basag at nagsisising puso. 18 Gawan mo ng mabuti ang Sion ayon sa iyong kasiyahan; itayo mong muli ang mga pader ng Jerusalem. 19 Kung magkagayon ay malulugod ka sa mga alay ng katuwiran, sa sinunog na mga handog at lubusang sinunog na mga handog; pagkatapos, ang aming bayan ay maghahandog ng mga toro sa iyong altar.