74
1 O Diyos, bakit mo kami laging tinatanggihan? Bakit ang iyong galit ay nag-aalab laban sa mga tupa ng iyong pastulan? 2 Alalahanin mo ang iyong bayan, na iyong tinubos noong sinaunang panahon, na iyong binili para maging sarili mong pamana, at sa Bundok ng Sion, kung saan ka nananahan. 3 Halika, tingnan mo ang mga lubos na pagkawasak, lahat ng pininsala na ginawa ng kaaway sa banal na lugar. 4 Ang iyong mga kalaban ay umatungal sa gitna ng iyong itinakdang lugar; inilagay nila ang kanilang mga bandila. 5 Sinibak nila gamit ang mga palakol gaya ng sa makapal na gubat. 6 Dinurog at sinira nila ang lahat ng mga inukit; sinira nila iyon gamit ang mga palakol at maso. 7 Sinunog nila ang iyong santuwaryo; nilapastangan nila kung saan ka naninirahan, at giniba ito. 8 Sinabi nila sa kanilang mga puso, “Wawasakin namin silang lahat. “Sinunog nila ang lahat ng iyong mga tagpuang lugar sa lupain. 9 Hindi na kami nakakikita ng anumang mga himala mula sa Diyos; wala ng propeta, at walang sinuman sa atin ang nakakaalam kung gaano ito tatagal. 10 O Diyos, gaano katagal ka lalaitin ng mga kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan habang panahon? 11 Bakit mo pinipigilan ang iyong kamay, ang iyong kanang kamay? Gamitin mo ang iyong kanang kamay mula sa iyong kasuotan at wasakin sila. 12 Gayumpaman, ang Diyos ang aking naging hari mula pa noong sinaunang panahon, na nagdadala ng kaligtasan sa daigdig. 13 Hinati mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong lakas; dinurog mo ang mga ulo ng halimaw na nasa dagat. 14 Dinurog mo ang mga ulo ng leviatan; pinakain mo siya sa mga naninirahan sa ilang. 15 Binuksan mo ang mga bukal at batis; tinuyo mo ang mga dumadaloy na ilog. 16 Ang araw ay sa iyo, at ang gabi ay sa iyo rin; nilagay mo ang araw at buwan. 17 Inilagay mo ang lahat ng mga hangganan sa daigdig; ginawa mo ang tag-araw at taglamig. 18 Alalahanin mo, Yahweh, kung paano ka binato ng kaaway ng mga panlalait, at nilapastangan ng mga hangal ang iyong pangalan. 19 Huwag mong ibigay ang buhay ng iyong kalapati sa isang mabangis na hayop. Huwag mong tuluyang kalimutan ang buhay ng iyong inaping bayan magpakailanman. 20 Alalahanin mo ang iyong tipan, dahil ang madidilim na mga rehiyon sa daigdig ay puno ng mga lugar ng karahasan. 21 Huwag mong hayaang maibalik ang mga inapi sa kahihiyan; nawa purihin ng mahirap at inaapi ang iyong pangalan. 22 Tumindig ka, O Diyos; ipagtanggol mo ang iyong sariling karangalan; alalahanin mo kung paano ka nilait ng mga hangal buong araw. 23 Huwag mong kalimutan ang tinig ng iyong mga kalaban o sigaw ng mga patuloy na sumasalungat sa iyo.