89
Magpakailanman kong aawitin ang mga ginawa ni Yahweh sa kaniyang katapatan sa tipan. Ihahayag ko sa mga susunod na salinlahi ang iyong pagiging totoo. Dahil aking sinabi, “Ang katapatan sa tipan ay naitatag magpakailanman; itinatag mo ang iyong pagkamatapat sa kalangitan.” “Nakipagtipan ako sa aking pinili, nangako ako sa aking lingkod na si David. Itataguyod ko ang iyong mga kaapu-apuhan magpakailanman, at itataguyod ko ang iyong trono sa bawat salinlahi.” Selah Pinupuri ng kalangitan ang iyong kamanghaan, Yahweh; ang iyong pagiging totoo ay pinupuri sa pagtitipon ng mga banal. Dahil sino sa kalangitan ang maihahambing kay Yahweh? Sino sa mga anak ng mga diyos ang katulad ni Yahweh? Siya ay Diyos na lubos na pinararangalan sa konseho ng mga banal at ang kamangha-mangha sa gitna ng lahat ng nakapalibot sa kaniya. Yahweh, Diyos ng mga hukbo, sino ang kasing lakas mo, Yahweh? Pinapaligiran ka ng iyong katapatan. Pinaghaharian mo ang nagngangalit na mga dagat; kapag gumugulong ang mga alon, pinapayapa mo ang mga ito. 10 Dinurog mo si Rahab katulad ng isang taong pinatay. Kinalat mo ang mga kaaway mo sa pamamagitan ng malakas mong bisig. 11 Sa iyo ang kalangitan, pati na ang kalupaan. Nilikha mo ang mundo at lahat ng nilalaman nito. 12 Nilikha mo ang hilaga at timog. Nagsasaya ang Tabor at Hermon sa pangalan mo. 13 Mayroon kang makapangyarihang bisig at malakas na kamay, at nakataas ang iyong kanang kamay. 14 Katuwiran at hustisya ang saligan ng iyong trono. Katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan ang nasa harapan mo. 15 Mapalad ang mga sumasamba sa iyo! Yahweh, lumalakad sila sa liwanag ng iyong mukha. 16 Buong araw silang nagsasaya sa pangalan mo, at itinataas ka nila sa katuwiran mo. 17 Ikaw ang kanilang dakilang kalakasan, at sa iyong pabor kami ay nagtatagumpay. 18 Dahil ang kalasag namin ay pagmamay-ari ni Yahweh; ang hari namin ay Ang Banal ng Israel. 19 Matagal na ang nakalipas nang nagsalita ka sa matatapat sa iyo sa pamamagitan ng pangitain; sinabi mo, “Pinatungan ko ng korona ang isang taong magiting; humirang ako mula sa mga tao. 20 Pinili ko si David na aking lingkod; hinirang ko siya gamit ang aking banal na langis. 21 Aalalayan siya ng aking kamay; palalakasin siya ng aking bisig. 22 Walang kaaway ang makapanlilinlang sa kaniya; walang anak ng kasamaan ang mang-aapi sa kaniya. 23 Dudurugin ko ang mga kaaway niya sa kaniyang harapan; papatayin ko ang mga namumuhi sa kaniya. 24 Makakasama niya ang aking katotohanan at ang aking katapatan sa tipan; sa pamamagitan ng pangalan ko siya ay magtatagumpay. 25 Ipapatong ko ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat at ang kanang kamay niya sa ibabaw ng mga ilog. 26 Tatawagin niya ako, 'Ikaw ang aking Ama, aking Diyos, ang bato ng aking kaligtasan.' 27 Gagawin ko rin siyang panganay kong anak na lalaki, ang pinaka-tinatanghal sa mga hari ng lupa. 28 Ipagpapatuloy ko ang aking katapatan sa tipan sa kaniya magpakailanman; at ang tipan ko sa kaniya ay magiging matatag. 29 Itataguyod ko ang kaniyang mga kaapu-apuhan magpakailanman at ang kaniyang trono ay magiging kasing tatag ng kalangitan. 30 Kung iiwanan ng kaniyang mga anak ang aking batas at susuwayin ang aking mga kautusan, 31 kung lalabagin nila ang aking mga patakaran at hindi susundin ang aking mga kautusan, 32 parurusahan ko ang kanilang paghihimagsik gamit ang isang pamalo at ang kanilang mga kasalanan ng aking mga suntok. 33 Pero hindi ko aalisin ang aking katapatan sa tipan mula sa kaniya o hindi magiging totoo sa aking pangako. 34 Hindi ko puputulin ang aking tipan o babaguhin ang mga salita ng aking mga labi. 35 Higit kailanman ako ay nangako sa aking kabanalan - hindi ako magsisinungaling kay David: 36 ang kaniyang mga kaapu-apuhan at ang kaniyang trono ay magpapatuloy magpakailanman na kasing tagal ng araw sa aking harapan. 37 Magiging matatag ito magpakailanman katulad ng buwan, ang tapat na saksi sa kalangitan. “ Selah 38 Pero itinanggi mo at itinakwil; nagalit ka sa iyong hinirang na hari. 39 Tinalikuran mo ang tipan ng iyong lingkod. Nilapastangan mo ang kaniyang korona sa lupa. 40 Giniba mo ang lahat ng kaniyang mga pader. Sinira mo ang kaniyang mga tanggulan. 41 Ninakawan siya ng lahat ng dumaan sa kaniya. Siya ay naging kasuklam-suklam sa mga kapitbahay niya. 42 Itinaas mo ang kanang kamay ng mga kaaway niya; pinasaya mo ang lahat ng mga kaaway niya. 43 Binaliktad mo ang dulo ng kaniyang espada at hindi mo siya pinagtatagumpay kapag nasa labanan. 44 Tinapos mo ang kaniyang karangyaan; giniba mo ang kaniyang trono. 45 Pinaikli mo ang araw ng kaniyang kabataan. Binihisan mo siya ng kahihiyan. Selah 46 Hanggang kailan, Yahweh? Itatago mo ba ang iyong sarili, habang buhay? Hanggang kailan maglalagablab ang iyong galit tulad ng apoy? 47 Isipin mo kung gaano na lang kaikli ang oras ko, at ang kawalan ng pakinabang ng lahat ng mga anak ng tao na nilikha mo! 48 Sino ang kayang mabuhay at hindi mamamatay, o sino ang makapagliligtas ng kaniyang buhay mula sa kapangyarihan ng sheol? Selah 49 Panginoon, nasaan na ang dati mong mga gawain ng katapatan sa tipan na pinangako mo kay David sa iyong katotohanan? 50 Alalahanin mo, Panginoon, ang pangungutya sa iyong mga lingkod at kung paano ko kinikimkim sa aking puso ang napakaraming panlalait mula sa mga bansa. 51 Nagbabato ng panlalait ang mga kaaway mo, Yahweh; kinukutya nila ang mga hakbangin ng iyong hinirang. 52 Pagpalain nawa si Yahweh magpakailanman. Amen at Amen.