9
1 Ito ay isang pahayag na salita ni Yahweh tungkol sa lupain ng Hadrac at Damasco. Sapagkat nasa buong sangkatauhan ang mata ni Yahweh at sa lahat din ng tribo ng Israel. 2 Ang pahayag na ito ay tungkol din sa Hamat, kung saan nasa Damasco ang mga hangganan, at tungkol din ito sa Tiro at Sidon, bagaman napakatalino nila. 3 Nagtayo ang Tiro ng sarili nitong matibay na tanggulan at nagbunton ng pilak tulad ng alabok at nilinang na ginto tulad ng putik sa mga lansangan. 4 Masdan ninyo! Aalisin siya ng Panginoon at wawasakin ang kaniyang kalakasan sa dagat, upang lalamunin siya ng apoy. 5 Makikita ng Ascalon at matatakot! Labis din na manginginig ang Gaza! Mabibigo ang pag-asa ng Ekron! Mamamatay ang hari mula sa Gaza at wala nang maninirahan sa Ascalon! 6 Sinabi ni Yahweh, “Gagawa ang mga dayuhan ng kanilang mga tahanan sa Asdod at aalisin ko ang kayabangan ng mga Filisteo. 7 Sapagkat aalisin ko mula sa kanilang mga bibig ang kanilang dugo at ang kanilang mga kasuklam-suklam mula sa pagitan ng kanilang mga ngipin.'' At sila ang malalabi para sa ating Diyos tulad ng isang angkan sa Juda, at magiging katulad ng mga Jebuseo ang Ekron. 8 Sinasabi ni Yahweh, ''Magtatayo ako ng kampo sa palibot ng aking lupain laban sa mga hukbo ng kaaway kaya walang sinuman ang makadadaan o makakabalik, sapagkat walang mapang-api ang makadadaan dito kailanman. Sapagkat ngayon, babantayan ko na ang aking lupain sa pamamagitan ng aking sariling mga mata! 9 Sumigaw ka nang may labis na kagalakan, anak na babae ng Zion! Sumigaw ka nang may kasiyahan, anak na babae ng Jerusalem! Masdan ninyo! Parating sa inyo ang inyong hari nang may katuwiran at ililigtas kayo. Mapagpakumbaba at sasakay siya sa isang asno, sa anak ng isang asno. 10 At aalisin ko ang karwahe mula sa Efraim at ang kabayo mula sa Jerusalem at aalisin ang pana mula sa digmaan; sapagkat magsasalita siya ng kapayapaan sa mga bansa at mula sa bawat dagat ang kaniyang pamamahala at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng daigdig! 11 At kayo, dahil sa dugo ng aking tipan sa inyo, pinalaya ko ang inyong mga bilanggo mula sa hukay kung saan walang tubig. 12 Bumalik kayo sa matibay na tanggulan, mga bilanggo ng pag-asa! Kahit ngayon, ihahayag ko na babalik ako ng dalawang beses sa inyo, 13 sapagkat binaluktot ko ang Juda bilang aking pana. Pinuno ko ang aking talanga ng palaso sa pamamagitan ng Efraim. Zion, ginising ko ang iyong mga anak na lalaki laban sa iyong mga anak na lalaki, Grecia, at ikaw Zion, ginawa kitang tulad ng espada ng isang mandirigma!'' 14 Magpapakita sa kanila si Yahweh at ipapana ang kaniyang palaso tulad ng kidlat! Sapagkat hihipan ng aking Panginoong Yahweh ang trumpeta at mauuna siya sa mga bagyo mula sa Teman. 15 Ipagtatanggol sila ni Yahweh ng mga hukbo at lilipulin nila sila at tatalunin ang mga bato ng mga tirador. Pagkatapos, iinom sila at sisigaw tulad ng mga kalalakihang lasing sa alak at mapupuno sila ng alak tulad ng mga mangkok sa altar, tulad ng mga sulok ng altar. 16 Kaya, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos sa araw na iyon, magiging katulad sila ng isang kawan na kinabibilangan ng kaniyang mga tao, sapagkat magiging mga hiyas sila ng isang korona, na itinayo sa ibabaw ng kaniyang lupain. 17 Magiging napakabuti at napakaganda nila! Uunlad sa trigo ang mga kabataang lalaki at mga birhen sa matamis na alak!