6
Nalugod si Dario na magtalaga sa buong kaharian ng 120 na mga gobernador ng lalawigan na mamahala sa buong kaharian. Sa kanila ay may tatlong punong tagapamahala, at si Daniel ang isa sa kanila. Naitalaga ang mga punong tagapamahala upang pangasiwaan ang mga gobernador ng lalawigan, upang ang hari ay hindi makaranas pa ng kawalan. Higit na natatangi si Daniel sa lahat ng mga punong tagapamahala at sa mga gobernador ng mga lalawigan dahil siya ay may natatanging espiritu. Binabalak ng hari na siya ay hiranging mamahala sa buong kaharian. Kaya ang ibang punong tagapamahala at ang mga gobernador ng lalawigan ay naghahanap ng mga kamalian sa trabaho ni Daniel sa kaharian, ngunit wala silang makitang katiwalian o kakulangan sa kaniyang trabaho dahil matapat siya. Walang pagkakamali o kapabayaang natagpuan sa kaniya. Kaya sinabi ng mga kalalakihang ito, “Wala tayong makitang anumang dahilan upang magreklamo laban sa Daniel na ito maliban lamang kung may makita tayong laban sa kaniya tungkol sa kautusan ng kaniyang Diyos. Kaya nagdala ng plano ang mga namamahala at mga gobernador sa harapan ng hari na. Sinabi nila sa kaniya, “Haring Dario, mabuhay ka nawa magpakailanman! Lahat ng mga pinunong tagapamahala ng kaharian, ang mga gobernador ng mga rehiyon, at ang mga gobernador ng lalawigan, ang mga tagapayo, at ang mga gobernador ay sumangguni sa isa't-isa at nagpasya na ikaw, ang hari, ay kailangang maglabas ng isang batas at kailangan itong ipatupad, upang ang sinumang gumawa ng panalangin sa anumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, maliban sa iyo, o hari, dapat maihagis ang taong iyon sa yungib ng mga leon. Ngayon, o hari, magpalabas ka ng isang atas at lagdaan ang kasulatan upang sa gayon hindi na ito maaaring mabago, ayon sa mga batas na itinuturo ng mga Medo at Persia, sa gayon hindi ito mapawalang bisa. Kaya nilagdaan ni Haring Dario ang dokumento na gawing batas ang kautusan. 10 Nang nalaman ni Daniel na nalagdaan na ang kasulatan na isina-batas, pumunta siya sa kaniyang bahay (ngayon ang kaniyang bintana sa itaas ay nakabukas sa dakong Jerusalem) at siya ay lumuhod, gaya ng ginagawa niya ng tatlong beses sa isang araw, at nanalangin at nagpapasalamat sa harapan ng kaniyang Diyos, gaya ng kaniyang dating ginagawa. 11 At nakita ng mga kalalakihang ito na magkakasamang bumuo ng masamang balak si Daniel na humihiling at humahanap ng tulong mula sa Diyos. 12 Pagkatapos, sila ay lumapit sa hari at nagsalita sa kaniya tungkol sa kaniyang batas: “Hindi ba gumawa ka ng batas na sinumang gumawa ng kahilingan sa anumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, maliban sa iyo hari ay dapat ihagis sa yungib ng mga leon?” Sumagot ang hari, “Naiayos na ang mga bagay na ito, ayon sa batas ng mga taga-Medo at mga taga-Persia; hindi na ito mapapawalang bisa.” 13 At, sumagot sila sa hari, “Ang taong si Daniel, na isa sa mga taong bihag mula sa Juda ay hindi nakinig sa iyo, o hari, o sa iyong batas na iyong nilagdaan. Nanalangin siya sa kaniyang Diyos ng tatlong beses sa isang araw.” 14 Nang marinig ito ng hari, labis siyang nabalisa at naghanap siya ng paraang iligtas si Daniel sa ganitong kapasyahan. Pinagsikapan niya hanggang sa paglubog ng araw na subukang iligtas si Daniel. 15 Pagkatapos, ang mga kalalakihang ito na nagbalak ng masama ay nagtipon kasama ang hari at sinabi sa kaniya, “Alam mo, o hari, nabatas ng Medo at Persia, na walang batas o kautusan na pinalabas ng hari ang maaaring mabago.” 16 At nagbigay ng utos ang hari, at dinala nila sa loob si Daniel at inihagis nila siya sa yungib ng mga leon. At sinabi ng hari kay Daniel, “Iligtas ka nawa ng iyong Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran.” 17 Dinala ang isang bato sa pasukan ng yungib, at tinatakan ito ng hari ng kaniyang singsing na pangtatak at kasama ng mga tatak ng singsing ng mga maharlika upang walang anumang mabago tungkol kay Daniel. 18 Pagkatapos, pumunta ang hari sa kaniyang palasyo at magdamag siyang nag-ayuno. Walang mang-aaliw na dinala sa harapan niya at hindi siya nakatulog. 19 At nang madaling araw, bumangon ang hari at nagmamadaling nagtungo sa yungib ng mga leon. 20 Habang siya ay papalapit sa yungib, tinawag niya si Daniel, na may tinig na puno ng pagdadalamhati. Sinabi niya kay Daniel, “Daniel, lingkod ng buhay na Diyos, nailigtas ka ba ng iyong Diyos na lagi mong pinaglilingkuran mula sa mga leon?” 21 Pagkatapos sinabi ni Daniel sa hari, “Hari, mabuhay ka magpakailanman! 22 Nagsugo ang aking Diyos ng kaniyang mensahero at tinikom ang mga bibig ng mga leon at hindi nila ako sinaktan. Sapagkat nalaman nilang wala akong sala sa harapan niya at gayundin sa harapan mo, hari at hindi kita ginawan ng anumang kasamaan.” 23 Pagkatapos, ang hari ay masayang masaya. Nagbigay siya ng utos na kailangang ilabas sa yungib si Daniel. Kaya itinaas nila si Daniel palabas ng yungib. Walang nakitang sugat sa kaniya, dahil siya ay nagtiwala sa kaniyang Diyos. 24 Nagbigay ng isang utos ang hari, na dalhin ang mga kalalakihang nagparatang kay Daniel at ihagis sila sa yungib ng mga leon, sila at ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa. Bago sila sumayad sa sahig ay sinunggaban na sila ng mga leon at pinagbabali ang kanilang mga buto nang pira-piraso. 25 Pagkatapos, sumulat si Haring Dario sa lahat ng mga tao, mga bansa at mga wika na naninirahan sa buong mundo: “Sumagana nawa ang kapayapaan sa inyo. 26 Ipinag-uutos ko na sa lahat ng nasasakupan ng aking kaharian, ang manginig at matakot ang mga tao sa harap ng Diyos ni Daniel, sapagkat siya ay buhay na Diyos at nabubuhay magpakailanman at hindi nawawasak ang kaniyang kaharian; ang kaniyang kapangyarihan ay maging hanggang sa wakas. 27 Iniingatan niya tayo at inililigtas at gumagawa siya ng mga tanda at kababalaghan sa langit at sa lupa; iningatan niyang ligtas si Daniel mula sa kapangyarihan ng mga leon.” 28 Kaya sumagana ang Daniel na ito sa panahon ng paghahari ni Dario at sa panahon ng paghahari ni Ciro ang Persiano.