7
1 Sa unang taon ni haring Belsazar ng Babilonia, nagkaroon si Daniel ng panaginip at mga pangitain habang siya ay nakahiga sa kaniyang higaan. Pagkatapos, isinulat niya kung ano ang kaniyang nakita sa panaginip. Isinulat niya ang mga pinakamahalagang kaganapan. 2 Ipinaliwanag ni Daniel, “Sa aking pangitain kagabi, nakita ko na pinapagalaw ng apat na hangin ng langit ang malaking dagat. 3 Lumitaw mula sa dagat ang apat na malalaking hayop, bawat isa ay hindi magkakapareho 4 Ang una ay tulad ng isang leon ngunit mayroong mga pakpak ng agila. Habang ako ay nagmamasid, natanggal ang mga pakpak nito at iniangat ito mula sa lupa at pinatayo sa dalawang paa tulad ng tao. Ibinigay rito ang pag-iisip ng isang tao. 5 At mayroong ikalawang hayop na tulad ng isang oso, nakayuko at mayroon itong tatlong tadyang sa pagitan ng mga ngipin sa bunganga nito. Sinabihan ito na, “Tumayo ka at lamunin ang maraming tao.' 6 Pagkatapos, muli akong tumingin. Mayroon pang isang hayop na kahawig ng isang leopardo. Sa likod nito ay mayroong apat na pakpak na tulad ng mga pakpak ng ibon at mayroon itong apat na ulo. Binigyan ito ng karapatan upang mamahala. 7 Pagkatapos nito, nakita ko sa aking panaginip kagabi ang ika-apat na hayop na nakakasindak, nakakatakot at napakalakas. Mayroon itong malaking bakal na ngipin. Lumalamon ito, dumudurog ng mga piraso at tinapak-tapakan ang natira. Kakaiba ito sa iba pang mga hayop at mayroon itong sampung sungay. 8 Habang pinagmamasdan ko ang mga sungay, tumingin ako at nakita ko ang isa pang sungay na tumubo mula sa kanila, isang maliit na sungay. Tatlo mula sa mga sungay ang pinihit palabas sa kanilang mga ugat. Nakita ko sa sungay na ito ang mga mata na tulad ng mga mata ng tao at isang bibig na nagmamayabang tungkol sa dakilang mga bagay. 9 Habang nakatingin ako, inihanda ang mga trono sa lugar nito at naupo sa kaniyang upuan ang Sinaunang mga Araw. Kasing puti ng niyebe ang kaniyang damit at ang buhok sa kaniyang ulo ay tulad ng balahibo ng tupa. Nagliliyab na apoy ang kaniyang trono at nagliliyab na apoy ang mga gulong nito. 10 Isang ilog na apoy ang umaagos palabas sa kaniyang harapan, milyon-milyon ang naglilingkod sa kaniya, at isang daang milyon ang nakatayo sa kaniyang harapan. Nasa pagpupulong ang hukuman at nabuksan ang mga libro. 11 Patuloy akong tumingin dahil sa mayayabang na mga salitang binanggit ng sungay. Pinanood ko ang hayop habang pinapatay, nawasak ang katawan nito at ibinigay upang sunugin. 12 Para sa mga natitira sa apat na hayop, inalis ang kanilang kapangyarihan ng pamamahala, ngunit pinahaba ang kanilang buhay para sa nalalabing panahon. 13 Sa aking pangitain nang gabing iyon, nakita ko ang isang dumarating kasabay ang mga ulap ng langit tulad ng isang anak ng tao. Lumapit siya sa Sinaunang mga Araw at iniharap siya sa kaniya. 14 Ibinigay sa kaniya ang karapatan upang mamuno, ang kaluwalhatian at ang makaharing kapangyarihan upang ang lahat ng mga tao, mga bansa, at mga wika ay dapat maglingkod sa kaniya. Walang hanggan ang kaniyang karapatang mamuno na hindi lilipas at hindi kailanman mawawasak ang kaniyang kaharian. 15 Ngunit para sa akin, na si Daniel, nagdadalamhati sa aking kaloob-looban ang aking espiritu at ginagambala ako ng mga pangitain na aking nakita sa aking isipan. 16 Nilapitan ko ang isa sa kanila na nakatayo roon at hiniling ko sa kaniya na ipakita sa akin ang kahulugan ng mga bagay na ito. 17 Ang malalaking hayop na ito, na apat ang bilang, ay apat na haring manggagaling mula sa daigdig. 18 Ngunit tatanggapin ng mga taong banal ng Kataas-taasan ang kaharian at aangkinin nila ito magpakailanman. 19 At nais ko pang malaman ang tungkol sa ikaapat na hayop, labis itong kakaiba sa mga iba at labis na kakila-kilabot ang bakal na ngipin at ang tansong mga kuko nito. Lumalamon ito, dumudurog ng mga piraso at tinatapakan ang anumang natira. 20 Nais kong malaman ang tungkol sa sampung sungay sa kaniyang ulo at ang tungkol sa ibang sungay na tumubo bago pa mahulog ang tatlong sungay. Nais ko pang malaman ang tungkol sa sungay na mayroong mga mata at tungkol sa bibig na nagyayabang tungkol sa mga dakilang mga bagay na parang mas nakatataas ito sa kaniyang mga kasamahan. 21 Habang nakatingin ako, nagtaguyod ng digmaan ang sungay na ito laban sa mga taong banal at tinatalo ang mga ito 22 hanggang dumating ang Sinaunang mga Araw at ibinigay ang katarungan sa mga taong banal ng Kataas-taasan. At dumating ang panahon na tinanggap ng mga taong banal ang kaharian. 23 Ito ang sinabi ng taong iyon, 'Ngunit para sa ikaapat na hayop, magiging ikaapat na kaharian ito sa daigdig na magiging kakaiba mula sa iba pang mga kaharian. Lalamunin, aapakan at dudurugin nito nang pira-piraso ang buong daigdig. 24 Ngunit para sa sampung sungay, mula sa kahariang ito manggagaling ang sampung hari at isa pa ang lilitaw pagkatapos nila. Magiging kakaiba siya mula sa mga nauna. At masasakop niya ang tatlong hari. 25 Magsasabi siya ng mga salita laban sa Kataas-taasan at aapihin niya ang mga taong banal ng Kataas-taasang Diyos. Susubukan niyang palitan ang mga pagdiriwang at ang kautusan. Maibibigay ang mga bagay na ito sa kaniyang mga kamay sa isang taon, dalawang taon at kalahating taon. 26 Ngunit magpupulong ang hukuman at kukunin ang kaniyang makaharing kapangyarihan upang tupukin at wasakin sa huli. 27 Maibibigay sa mga taong kabilang sa mga banal na tao ng Kataas-taasan ang kaharian, at ang kapangyarihan, ang mga kadakilaan ng mga kaharian sa ibaba ng buong kalangitan. Walang hanggang kaharian ang kaniyang kaharian, paglilingkuran at susundin siya ng lahat ng iba pang mga kaharian. 28 Narito ang katapusan ng lahat ng bagay. Ngunit para sa akin, na si Daniel, labis na nabahala ang aking isipan at nabago ang itsura ng aking mukha. Ngunit itinago ko ang mga bagay na ito sa aking sarili.”