9
Si Dario ay ang anak ni Assuero, isang kaapu-apuhan ng Medo. Ito ay si Dario na ginawang hari sa buong kaharian ng mga taga-Babilonia. Ngayon sa unang taon ng paghahari ni Dario, ako si Daniel, ay pinag-aaralan ko ang mga aklat na naglalaman ng salita ni Yahweh, ang salitang dumating kay Jeremias na propeta. Napag-aralan kong may pitumpung taon hanggang sa matapos ang pagpapabaya sa Jerusalem. Iniharap ko ang aking mukha sa Panginoong Diyos, upang hanapin siya sa pamamagitan ng panalangin at mga kahilingan, ng pag-aayuno, at pagsuot ng magaspang na tela at pag-upo sa mga abo. Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos, at ipinahayag ko ang aming mga kasalanan. Sinabi ko, “Nagsusumamo ako sa iyo, Panginoon, ikaw ay dakila at kahanga-hangang Diyos na siyang tumutupad ng kasunduan at tapat sa mga umiibig sa iyo at sumusunod sa iyong mga kautusan. Nagkasala kami at gumawa ng mali. Gumawa kami ng masama at kami ay naghimagsik, tumalikod mula sa iyong mga kautusan at mga atas. Hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na propetang nagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, sa aming mga pinuno, sa aming mga ninuno at sa lahat ng tao sa lupain. Sa iyo ang katuwiran, Panginoon. Gayunman sa amin ngayon, ang kahihiyan ay sa aming mga mukha—para mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem, at sa lahat ng taga-Israel. Kasama ng mga ito ang mga malapit at malayo sa buong lupain kung saan mo sila ikinalat. Ito ay dahil sa labis na pagtataksil na ginawa namin laban sa iyo. Sa amin, Yahweh, ang kahihiyan ay sa aming mga mukha—para sa aming mga hari, sa aming mga pinuno at sa aming mga ninuno—dahil nagkasala kami laban sa iyo. Sa aming Panginoong Diyos ang pinanggagalingan nang habag at kapatawaran, sapagkat naghimagsik kami laban sa kaniya. 10 Hindi namin sinunod ang tinig ni Yahweh na aming Diyos sa pamamagitan ng paglakad sa kaniyang mga kautusan na ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na mga propeta. 11 Lahat ng taga-Israel ay lumabag sa iyong mga utos at tumalikod sa iyong mga kautusan, tinatanggihang sundin ang iyong tinig. Ang sumpa at mga panunumpa na naisulat sa kautusan ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay naibuhos sa amin, sapagkat nagkasala kami laban sa kaniya. 12 Pinatunayan ni Yahweh ang mga salitang kaniyang sinabi laban sa amin at laban sa mga namumuno sa amin, sa pamamagitan ng pagdadala sa amin ng malaking kapahamakan. Sapagkat sa ilalim ng kabuuan ng langit wala pang nangyaring anumang bagay na maaaring ihambing sa kung ano ang nangyari sa Jerusalem. 13 Gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, dumating ang lahat ng kapahamakan sa amin, ngunit hindi parin kami nagmakaawa mula kay Yahweh na aming Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod mula sa aming mga kalikuan at bigyang pansin ang iyong katotohanan. 14 Samakatwid inihanda ni Yahweh ang kapahamakan at dinala ito sa amin, sapagkat matuwid si Yahweh na ating Diyos sa lahat ng mga gawang kaniyang ginagawa, ngunit hindi parin natin sinunod ang kaniyang tinig. 15 Ngayon, Panginoon na aming Diyos, inilabas mo ang iyong mga tao mula sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay, at gumawa ka ng tanyag na pangalan para sa iyong sarili, maging sa kasalukuyan. Ngunit nagkasala parin kami; gumawa parin kami ng masasamang bagay. 16 Panginoon, dahil sa lahat ng iyong mga matuwid na mga gawa, hayaan mong mawala ang iyong galit at ang iyong poot mula sa iyong lungsod na Jerusalem, ang iyong banal na bundok. Dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa kalikuan ng aming mga ninuno, naging isang paksa ng pangungutya ang Jerusalem at ang iyong mga tao sa lahat ng nakapalibot sa amin. 17 Ngayon, aming Diyos, pakinggan mo ang dalangin ng iyong lingkod at sa kaniyang pagsusumamo para sa habag; para sa iyong kapakanan, Panginoon, pagliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong santuwaryo na pinabayaan. 18 Aking Diyos, buksan mo ang iyong mga tainga at makinig; buksan mo ang iyong mga mata at tingnan. Ganap kaming nawasak; tingnan mo ang lungsod na tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan. Hindi kami nagsumamo sa iyo ng tulong dahil sa aming katuwiran, ngunit dahil sa iyong labis na habag. 19 Panginoon makinig! Panginoon magpatawad! Panginoon, magbigay pansin at kumilos ka! Para sa iyong kapakanan, huwag mong ipagpaliban, aking Diyos, sapagkat ang iyong lungsod at ang iyong tao ay tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.” 20 Habang ako ay nagsasalita—nananalangin at nagpapahayag ng aking mga kasalanan at ang kasalanan ng aking kababayang taga-Israel, at idinudulog ang aking mga kahilingan kay Yahweh na aking Diyos alang-alang sa banal na bundok ng Diyos— 21 habang ako ay nananalangin, ang lalaking si Gabriel, na nakita ko sa unang pangitain ay mabilis na lumipad pababa sa akin, sa panahon ng pag-aalay sa gabi. 22 Binigyan niya ako ng pang-unawa at sinabi sa akin, “Daniel, pumunta ako ngayon upang bigyan kita ng kaalaman at pang-unawa. 23 Nang ikaw ay humihingi ng habag, ibinigay ang atas at pumunta ako upang sabihin sa iyo ang sagot, sapagkat labis kang iniibig. Samakatwid isaalang-alang ang salitang ito at unawain ang pahayag. 24 Pito na tig-pipitumpong taon ang iniatas para sa iyong mga tao at sa iyong banal na lungsod upang wakasan ang pagkakasala at wakasan ang kasalanan, upang pagbayaran ang kasamaan, upang dalhin ang walang hanggang katuwiran, upang tuparin ang pangitain at propesiya at upang gawing banal ang dakong kabanal-banalan. 25 Alamin at unawain na mula sa pagpapalaganap ng utos na panunumbalikin at itatayong muli ang Jerusalem sa pagdating ng isang hinirang (na magiging isang pinuno), magkakaroon ng pito na tig-pipito at pito na tig-aanimnaputdalawa. Muling maitatayo ang Jerusalem kasama ang mga lansangan at isang kanal kahit pa sa mga panahon ng kabalisahan. 26 Pagkatapos ng pito na tig-aanimnapu't dalawang taon, ang isang hinirang ay malilipol at mawawalan. Wawasakin ng hukbo ng isang parating na pinuno ang lungsod at ang banal na lugar. Darating ang katapusan nito sa pamamagitan ng baha at magkakaroon ng digmaan hanggang sa huli. Ang pagkawasak ay itinakda na. 27 Pagtitibayin niya ang isang kasunduan sa marami sa loob ng isang pito. Sa kalagitnaan ng pito wawakasan niya ang pag-aalay at ang paghahandog. Sa pakpak ng mga kasuklam-suklam darating ang isang tao na siyang gagawa ng pagkasira. Isang ganap na pagwawakas at pagkawasak ang itinakdang ibubuhos sa gumawa ng pagkasira.”