10
1 Sa ikatlong taon ng paghahari ni Ciro na hari ng Persia, isang mensahe ay ipinahayag kay Daniel, (na tinawag na Beltesazar) at ang mensaheng ito ay totoo. Tungkol ito sa isang malaking digmaan. Naunawaan ni Daniel ang mensahe nang ipinakita sa kaniya sa pamamagitan ng pangitain. 2 Sa mga araw na iyon akong si Daniel ay tumatangis ng tatlong linggo. 3 Hindi ako kumain ng masasarap na pagkain, hindi ako kumain ng karne, hindi ako uminom ng alak, at hindi ko pinahiran ng langis ang aking sarili hanggang sa matapos ang buong tatlong linggo. 4 Sa ika dalawampu't apat na araw ng unang buwan, samantalang ako ay nasa tabi ng malaking ilog (ito ang Tigris), 5 Tumingala ako at nakita ko ang isang lalaki na nakadamit ng telang lino, na may sinturon na nakapalibot sa kaniyang baywang na yari sa purong ginto mula sa Uphas. 6 Ang kaniyang katawan ay katulad ng topaz, ang kaniyang mukha ay katulad ng kidlat, ang kaniyang mga mata ay katulad ng ningas ng mga tanglaw, ang kaniyang mga braso at kaniyang mga paa ay katulad ng makinis na tanso, at ang tunog ng kaniyang salita ay katulad ng ingay ng napakaraming tao. 7 Akong si Daniel lamang ang nakakita ng pangitain, sapagkat hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang pangitain. Gayunman, isang malaking takot ang dumating sa kanila at tumakbo sila upang magtago. 8 Kaya naiwan akong mag-isa at nakita ko ang dakilang pangitain na ito. Nawalan ako ng lakas; ang aking maningning na anyo ay binago ng takot at wala akong natirang lakas. 9 Pagkatapos narinig ko ang kaniyang mga salita- at nang marinig ko ang mga ito, bumagsak ako sa mahimbing na pagkakatulog na nakasubsob sa lupa ang aking mukha. 10 May kamay na humawak sa akin, at sobrang nangatog ang aking mga tuhod at ang palad ng aking mga kamay. 11 Sinabi ng anghel sa akin, “Daniel, lalaking lubos na iniibig, unawain mo ang mga salitang sasabihin ko sa iyo, at tumayo ka ng matuwid sapagkat ipinadadala ako sa iyo. “Nang sabihin niya ang salitang ito sa akin, tumayo akong nanginginig. 12 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel. Samantalang sa unang araw na itinakda mo ang iyong isipan upang unawain at upang magpakumbaba ang iyong sarili sa harapan ng Diyos, ang iyong mga salita ay narinig at dumating ako dahil sa iyong mga salita. 13 Tinanggihan ako ng prinsipe ng kaharian ng Persia, at ako ay nanatili roon kasama ang mga hari ng Persia ng dalawampu't-isang araw. Subalit si Miguel, isa sa mga pinakapunong prinsipe, pumunta at tinulungan ako. 14 Ngayon ay naparito ako upang tulungan kang unawain kung ano ang mangyayari sa iyong mga tao sa mga huling araw. Sapagkat ang pangitain ay para sa mga araw na darating.” 15 “Nang magsalita siya sa akin gamit ang mga salitang ito, iniharap ko ang aking mukha sa lupa at hindi ako makapagsalita. 16 May isang anyong tulad ng tao ang humipo sa aking mga labi, at ibinukas ko ang aking bibig at nakipag-usap sa kaniya na nakatayo sa aking harapan, “Aking panginoon, ibinalik ng pangitain ang dalamhati sa akin at wala na akong natirang lakas. 17 Ako ang iyong lingkod. Paano ako makikipag-usap sa aking panginoon? Na ngayon ay wala na akong lakas, at walang natirang hininga sa akin.” 18 Hinawakan ako ng isang anyong tulad ng tao at pinalakas ako. 19 Sabi niya, “Lalaki na lubos na iniibig, huwag kang matakot. Sumaiyo ang kapayapaan. Magpakatatag ka ngayon; magpakatatag ka! “Nang magsalita siya sa sa akin, napalakas ako at sinabi ko, “Hayaan mong magsalita ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako.” 20 Sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako pumunta sa iyo? Babalik na ako ngayon para labanan ang prinsipe ng Persia. Kapag lumabas ako, darating ang prinsipe ng Grecia. 21 Subalit sasabihin ko sa iyo kung ano ang nakasulat sa Aklat ng Katotohanan- walang sinuman ang magpapakita sa akin ng kaniyang sarili na malakas, maliban kay Miguel na iyong prinsipe.”