42
1 Masdan, aking lingkod, na aking itinataas; ang aking pinili, sa kaniya ako ay nagagalak. Ang aking Espiritu ay nasa kaniya; siya ang magdudulot ng katarungan sa mga bansa. 2 Hindi siya iiyak o hihiyaw o magtataas ng boses sa lansangan. 3 Ang napitpit na tambo ay hindi niya mababali, at hindi niya maaapula ang mahinang apoy ng mitsa: siya ay matapat na magsasagawa ng katarungan. 4 Siya ay hindi manglulupaypay o mapanghihinaan ng loob hanggang matatag niya ang katarungan sa mundo; at ang mga nakatira sa babayin ay maghihintay sa kaniyang batas. 5 Ito ang sinabi ni Yahweh ating Diyos, na siyang lumikha ng kalangitan at naglatag sa kanila; siyang naglatag ng mundo at binigyang buhay ito; siyang nagbigay ng hininga sa mga tao doon, at buhay sa mga namumuhay doon: 6 “Ako, si Yahweh, ang tumawag sa iyo sa katuwiran at hahawak sa iyong kamay. Iingatan kita at itatakda kita bilang tipan para sa mga tao, bilang isang liwanag para sa mga dayuhan, 7 para buksan ang mga mata ng bulag, para palayain ang mga bilanggo mula sa piitan, at mula sa tahanan ng pagkakulong silang mga nakaupo sa kadiliman. 8 Ako si Yahweh, iyon ang aking pangalan; at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibabahagi sa iba ni ang aking papuri sa mga inukit na mga diyus-diyusan. 9 Tingnan mo, ang mga nakaraang mga bagay ay nangyari na, ngayon ay ipapahayag ko ang mga bagong kaganapan. Bago sila magsimulang mangyari sasabihin ko sa iyo ang tungkol sa kanila.” 10 Umawit kay Yahweh ng bagong awitin, at ang kaniyang kapurihan mula sa dulo ng mundo; ikaw na bumaba sa dagat, at ang lahat ng nakapaloob dito, ang mga baybayin at silang naninirahan doon. 11 Hayaan ang disyerto at ang mga lungsod na tumawag, ang mga nayon kung saan na namumuhay ang Cedar, sumigaw ng may kagalakan! Hayaang umawit ang mga nakatira sa Sela; hayaan silang sumigaw mula sa tuktok ng mga bundok. 12 Hayaan silang magbigay kaluwalhatian kay Yahweh at magpahayag ng kaniyang papuri sa mga baybayin. 13 Si Yahweh ay lalabas bilang isang mandirigma; siya ay magpapatuloy bilang isang lalaking pangdigmaan. Kaniyang ipupukaw ang kasigasigan. Siya ay sisigaw, oo, siya ay hihiyaw ng kaniyang hiyaw na pandigmaan; ipapakita niya sa kaniyang mga kaaway ang kaniyang kapangyarihan. 14 Nanahimik ako ng mahabang panahon; ako ay hindi kumibo at nagpigil sa sarili; ngayon iiyak ako gaya ng isang babaeng nanganganak; ako ay maghahabol ng hininga at hihingalin. 15 Aking wawasakin ang mga bundok at mga burol at patutuyuin ko ang lahat ng kanilang pananim; at ang mga ilog ay gagawin kong mga isla at patutuyuin ko ang mga sapa. 16 Dadalhin ko ang bulag sa daan na hindi nila alam; dadalhin ko sila sa mga landas na hindi nila alam na dadalhin ko sila. Ang kadiliman ay gagawin kong liwanag sa harap nila at itutuwid ang baluktot na mga lugar. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko sila pababayaan. 17 Sila ay tatalikuran, at sila ay ganap na mailalagay sa kahihiyan, silang nagtitiwala sa mga inukit na mga diyos-diyusan, na nagsasabi sa mga hinulmang bakal na mga diyus-diyosan, “kayo ang aming mga diyos.” 18 Makinig kayo, kayong mga bingi; at tumingin, kayong bulag, para kayo ay makakita. 19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod? O bingi gaya ng mensaherong aking pinadala? Sino ang kasing bulag gaya ng aking tipan ng kasunduan, o bulag gaya ng lingkod ni Yahweh? 20 Maraming kang nakikitang mga bagay, pero hindi nauunawaan; ang mga tainga nila ay nakabukas, pero walang nakaririnig. 21 Nagpapalugod kay Yahweh ang mapapurihan ang kaniyang katarungan at maluwalhati ang kaniyang mga kautusan. 22 Pero ito ang mga taong nanakawan at nasamsaman; silang lahat ay nakulong sa mga hukay, nabihag sa mga bilangguan; sila ay naging isang inagaw na walang sinumang makakasagip sa kanila at walang makakapagsabi, “ibalik sila!” 23 Sino sa inyo ang makikinig nito? Sino ang makikinig at pakikinggan ang hinaharap? 24 Sino ang nagbigay kay Jacob sa mga magnanakaw, at ang Israel sa mga mandarambong? Hindi ba si Yahweh, laban sa kaniya na nagawan natin ng kasalanan, kaninong daan tayo nakagawa ng kasalanan, kaninong mga daan tayo tumangging lumakad, at kaninong batas tayo tumangging sumunod? 25 Kaya ibinuhos niya ang kaniyang mabangis na galit laban sa kanila, kasama ang pagkawasak ng digmaan. Ito ay nagliyab sa kanilang kapaligiran, pero hindi nila ito maunawaan; tinupok sila nito, pero hindi nila ito isinapuso.