104
1 Pupurihin ko si Yahweh nang buong buhay ko, Yahweh aking Diyos, lubhang kahanga-hanga ka; dinadamitan ka ng kaningningan at kamahalan. 2 Nilulukuban mo ang iyong sarili ng liwanag gaya ng isang damit; inilalatag mo ang kalangitan na parang isang kurtina ng tolda. 3 Nilalagay mo ang mga biga ng iyong mga silid sa ibabaw ng mga ulap; ginagawa mong sariling karwahe ang mga ulap; lumalakad ka sa ibabaw ng mga pakpak ng hangin. 4 Ginagawa niyang mensahero niya ang mga hangin, mga liyab ng apoy ay kanyang mga lingkod. 5 Inilagay niya ang mga pundasyon ng daigdig, at hindi ito kailanman matitinag. 6 Binalot mo ang daigdig ng tubig tulad ng isang damit; binalot ng tubig ang mga bundok. 7 Ang pagsusuway mo ang nagpaurong ng mga tubig; sa tunog ng iyong dumadagundong na tinig, sila ay lumayo. 8 Lumitaw ang mga bundok, lumatag ang mga lambak sa mga lugar na itinalaga mo sa kanila. 9 Nagtakda ka ng isang hangganan para sa kanila na hindi nila tatawirin; hindi na nila muling babalutin ang daigdig. 10 Pinadaloy niya ang mga bukal sa mga lambak; Dumadaloy ang mga batis sa pagitan ng mga bundok. 11 Nagdadala sila ng tubig para sa lahat ng mga hayop sa bukid; napapawi ang pagkauhaw ng mga maiilap na asno. 12 Sa may tabing-ilog, ginagawa ng mga ibon ang kanilang mga pugad; umaawit sila sa mga sanga. 13 Dinidiligan niya ang mga bundok mula sa kanyang mga silid ng tubig sa kalangitan. Napupuno ang daigdig ng bunga ng kanyang mga gawain. 14 Pinapatubo niya ang damo para sa mga baka at mga halaman para linangin ng tao nang sa gayon ay makapag-ani ang tao ng pagkain mula sa lupa. 15 Gumagawa siya ng alak para pasayahin ang tao, langis para magliwanag ang kanyang mukha, at pagkain para magpatuloy ang kanyang buhay. 16 Nadidiligan nang mabuti ang mga puno ni Yahweh; itinanim niya ang mga sedar ng Lebanon. 17 Doon ginagawa ng mga ibon ang kanilang mga pugad. Ginagawang tahanan ng tagak ang puno ng pir. 18 Naninirahan sa matataas na bundok ang mababangis na kambing; ang kaitaasan ng bundok ay isang kanlungan para sa mga kuneho. 19 Itinalaga niya ang buwan bilang tanda ng mga panahon; alam ng araw ang oras ng kanyang paglubog. 20 Ginawa mo ang kadiliman ng gabi kung kailan lahat ng mga hayop sa gubat ay lumalabas. 21 Umuungol ang mga batang leon para sa kanilang huli at naghahanap sila ng pagkain mula sa Diyos. 22 Sa pagsikat ng araw, bumabalik at natutulog sila sa kanilang mga lungga. 23 Samantala, nagtatrabaho ang mga tao at gumagawa hanggang gabi. 24 Yahweh, kayrami at iba't iba ang iyong mga gawa! Ginawa mo ang lahat ng mga iyon nang may karunungan; umaapaw ang daigdig sa mga gawa mo. 25 Banda roon ay ang dagat, malalim at malawak, punong-puno ng hindi mabilang na mga nilalang, kapwa maliit at malaki. 26 Naglalakbay doon ang mga barko, at naroroon din si Leviatan, na hinubog mo para maglaro sa dagat. 27 Ang lahat ng mga ito ay tumitingin sa iyo para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. 28 Kapag nagbibigay ka sa kanila, sila ay nagtitipon; kapag binubuksan mo ang iyong palad, sila ay nasisiyahan. 29 Kapag itinatago mo ang iyong mukha, sila ay nababagabag; kapag nilalagot mo ang kanilang hininga, sila ay namamatay at nauuwi sa alabok. 30 Kapag ipinapadala mo ang iyong Espiritu, sila ay nalilikha, at pinapanumbalik mo ang kanayunan. 31 Nawa manatili magpakailanman ang kaluwalhatian ni Yahweh; masiyahan nawa si Yahweh sa kanyang nilikha. 32 Pinagmamasdan niya ang daigdig, at ito ay nayayanig; hinahawakan niya ang kabundukan, at ang mga iyon ay umuusok. 33 Aawit ako kay Yahweh ng buong buhay ko; aawit ako ng papuri sa aking Diyos habang ako ay nabubuhay. 34 Nawa maging matamis ang aking mga isipan sa kanya; magagalak ako kay Yahweh. 35 Mawala nawa ang mga makasalanan mula sa daigdig, at ang mga masasama ay maglaho. Nagbibigay ako ng papuri kay Yahweh ng buong buhay ko. Purihin si Yahweh.