105
1 Magpasalamat kayo kay Yahweh, tumawag kayo sa kaniyang pangalan; ipaalam ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bansa. 2 Umawit sa kaniya, umawit sa kaniya ng mga papuri; Ipahayag ang lahat ng kaniyang mga kamangha-manghang gawa. 3 Magmalaki sa kaniyang banal na pangalan; hayaang magalak ang puso nilang naghahanap kay Yahweh. 4 Hanapin si Yahweh at ang kaniyang kalakasan; patuloy na hanapin ang kaniyang presensya. 5 Alalahanin ang mga kahanga-hangang bagay na kaniyang ginawa, ang kaniyang mga himala at ang mga kautusan mula sa kaniyang bibig, 6 kayong mga kaapu-apuhan ni Abraham na kaniyang lingkod, kayong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga pinili. 7 Siya si Yahweh, ang ating Diyos. Ang kaniyang mga kautusan ay sumasaklaw sa buong mundo. 8 Inaalala niya ang kaniyang tipan magpakailanman, ang salita na kaniyang iniutos sa sanlibong salinlahi. 9 Iniisip niya ang tipan na kaniyang ginawa kasama ni Abraham at ang kaniyang panunumpa kay Isaac. 10 Ito ay kung ano ang pinagtibay kay Jacob na alituntunin at sa Israel na magpasawalang-hanggang tipan. 11 Sinabi niya, “Ibibigay ko ang lupain ng Canaan bilang bahagi ng iyong mana.” 12 Sinabi niya ito noong kaunti pa lamang ang bilang nila, labis na kaunti, at mga dayuhan pa sa lupain. 13 Galing sila mula sa isang bansa tungo sa ibang bansa at mula sa isang kaharian patungo sa isa pa. 14 Hindi niya ipinahintulutang apihin sila ng sinuman; kaniyang sinuway ang mga hari dahil sa kanilang kapakanan. 15 Sinabi niya, “Huwag ninyong galawin ang mga hinirang, at huwag ninyong gawan ng masama ang aking mga propeta.” 16 Nagdala siya ng taggutom sa lupa; pinutol niya ang lahat ng pinagkukunan ng tinapay. 17 Pinauna niya ang isang lalaki sa kanila; ipinagbili si Jose bilang isang alipin. 18 Ginapos ang kaniyang mga paa ng kadena; mga bakal na kadena ang itinali sa kaniya. 19 hanggang sa panahon na ang kaniyang hula ay nagkatotoo. Pinatunayan ng salita ni Yahweh na siya ay matuwid. 20 Nagpadala ang hari ng mga lingkod para pakawalan siya; pinalaya siya ng pinuno ng mga tao. 21 Siya ay itinalagang mamahala sa kaniyang bahay bilang pinuno ng lahat ng kaniyang mga ari-arian 22 para pangunahan ang kaniyang mga prinsipe ayon sa kaniyang hiling at para turuan ang mga nakatatanda ng karunungan. 23 Pagkatapos, dumating ang Israel sa Ehipto, at si Jacob ay nanirahan ng matagal sa lupain ng Ham. 24 Pinarami ng Diyos ang kaniyang bayan at ginawa niyang mas marami kaysa sa kanilang mga kalaban. 25 Siya ang nagdulot sa kanilang mga kaaway na kapootan ang kaniyang bayan, para abusuhin ang kaniyang mga lingkod. 26 Pinadala niya si Moises, ang kaniyang lingkod, at si Aaron, na kaniyang pinili. 27 Isinagawa nila ang kaniyang mga himala sa mga taga-Ehipto, ang kaniyang mga kababalaghan sa lupain ng Ham. 28 Nagpadala siya ng kadiliman at pinadilim ang lupain, pero hindi sumunod sa kaniyang mga utos ang mga tao rito. 29 Ginawa niyang dugo ang tubig at pinatay ang kanilang mga isda. 30 Ang kanilang lupain ay napuno ng mga palaka, kahit sa mga silid ng kanilang mga pinuno. 31 Nagsalita siya, at dumating ang mga pulutong ng langaw at niknik sa buong bansa nila. 32 Nagpadala siya ng yelo at ulan na may kasamang kidlat at kulog sa kanilang lupain. 33 Winasak niya ang kanilang ubasan at mga puno ng igos; at binali niya ang mga puno sa kanilang bansa. 34 Nagsalita siya, at dumating ang mga balang, napakaraming mga balang. 35 Kinain ng mga balang ang lahat ng gulayan sa kanilang lupain; at kinain nila ang lahat ng mga pananim sa lupa. 36 Pinatay niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain, ang mga unang bunga ng lahat ng kanilang kalakasan. 37 Inilabas niya ang mga Israelita na may dalang pilak at ginto; walang sinuman sa kaniyang angkan ang natisod sa daan. 38 Natuwa ang Ehipto nang sila ay umalis, dahil takot sa kanila ang mga taga-Ehipto. 39 Ikinalat niya ang ulap para maging takip at gumawa ng apoy para magbigay liwanag sa gabi. 40 Humingi ng pagkain ang mga Israelita, at nagdala siya ng mga pugo at binusog sila ng tinapay mula sa langit. 41 Biniyak niya ang malaking bato, at bumulwak ang tubig mula rito; umagos ito sa ilang tulad ng ilog. 42 Dahil inaalala niya ang kaniyang banal na pangako na kaniyang ginawa kay Abraham na kaniyang lingkod. 43 Inilabas niya ang kaniyang bayan na may kagalakan, ang kaniyang pinili na may sigaw ng katagumpayan. 44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; inangkin nila ang mga kayamanan ng mga tao 45 nang sa gayon ay mapanatili nila ang kaniyang mga alituntunin at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin si Yahweh.